Bongga pa rin si Direk Maryo J.!

BONGGA… wala ka ng hihiritin pa at talaga namang dinagsa ng maraming bituin sa pelikula at television ang idinaos na tradisyunal na Christmas and New Year’s Party celebration ng premyadong direktor na si Maryo J. de los Reyes na handog niya sa kanyang mga contract actor and actresses sa kanyang Production 56 at ginanap ang makulay na selebrasyon sa Paradise of Stars, MOWELFUND sa Quezon City.

Abalang host ng ti-par ang beteranang aktres na si Luz Valdez na sandali kong nakapanayam. Pansumandaling kuwentuhan sa nakaraan nitong love-life nung medyo kabataan pa nito sa LVN Pictures at kasabay ng kwentuhan ang mga halakhak ng aktres. Hehehe! Presente sina aktor/direktor Dan Alvaro, Leandro Baldemor, Jon Romano, Direk Cloyd Robinson, Ernie Garcia, Enrico Mofar, Lloyd Samartino, Romano Vasquez, Dennis Macalintal, Ana Capri, Andro Morgan, Yul Sevo, San Mateo Councilor Froilan Sales, Tobv Bregendahl, Victor Escobar, Ozu Ong, Lexter Lazaro, Robin Robel, Orlando Sol plus Jake Tordesillas, Senedy Que ng GMA-7 at iba pang cast ng Munting Heredera na mapanonood sa primetime slot sa Siyete.

Ayon kay Direk Maryo, dalawang buwan pa ang Munting Heredera sa ere. Sana lumawig pa ang programang ito ni Maryo J. dahilan sa tunay at totoong pinanonood ito dahil sa ganda ng kwento at mayroon pang magandang aral na mapupulot ang mga manonood, hindi lamang sa panig ng mga kabataan kundi maging sa mga oldies at senior citizen. Mga bating ba naman ang mga pangunahing bida sa serye, panonoorin siyempre. Kasama rito sina Gloria Romero, Barbara Perez, Luz Valdez at Boots Ason Roa. Pagsama-samahin ba naman, ayon patok!

Sino ba namang direktor sa ngayon ang nakaisip na pagsama-samahin ang mga bating na mga artistang ito sa iisang programa, di ba si Direk Maryo J. lang?

Kilala naman natin si Romano Vasquez na pagdating sa entablado ay halos ilampaso nito ang iba pang entertainers dahil sa kanyang galing humataw sa entablado. Siyempre, hindi rin magpapatalo ang sumisikat na bagong tuklas na grupo ni Direk na AMPLIFIED. Sige lang mga guwapitong totoy, malaki ang inyong hinaharap.

Hinaharap daw, oh! (Hahaha!) sa larangang inyong napili.

Di rin nagpahuli ang grupo ng Clarasbliss Band sa pangunguna ng seksing singer ng grupo na si Jayvee Muyco. Pero sadyang pang-finale ang performance sa stage ng Mas- culados Dos na tunay namang nahimasmasan sa pagkalasing ang lahat nang humataw nang giling na sa pagkanta ang hottest male-group na kinabibilangan ng mga machong miyembro nito.

Sa nasabing party pa rin, nakausap ng inyong lingkod ang magaling na aktor na si Yul Servo na kasama sa cast ng “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story” na umani ng katakut-takot na awards sa nakalipas na awards night ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2011.

Maging ang award-winning aktor ay disappointed din na hindi si Laguna Governor ER Ejercito ang nakuhang Best Actor. Ayon sa kanya, mayroon pa raw namang iba pang award-giving bodies na baka sakaling tanghaling best actor ang nephew ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Sey pa ng walang talong konsehal ng Maynila, na hayaan na lang daw nating si Dingdong Dantes ang nakakuha ng malas na titulo. Sabagay, nagmarka naman sa mga nakapanood ng “Segunda Mano” at Manila Kingpin kung sino talaga ang karapat-dapat sa naging kontrobersyal na hatol ng MMFF 2011 at sa panlasa na rin ng nakapanood ng mga naturang pelikula.

***

ISA si Jon Romano sa mga natuwa nang mabuksan ang TV5 na ayon sa machong aktor (talagang macho, ha?) ay marami sa mga artistang nawalan ng trabaho ang muling nagkaroon ng work.

Regular na napanonood si Jon sa Maria la del Bario nina Erich Gonzales at Enchong Dee.

Teka mga kafatid, baka malayo tayo sa party ni Direk Maryo. Matagal-tagal ko na rin namang kilala siya pero sa masayang pagdadaos ng naturang okasyon ay talaga palang mamahalin ng sinuman ang mabait na direktor. Wala itong kiyeme, mababa ang loob sa kanyang mga artista at hindi mo siya pagsasawaang mahalin. Tanungin n’yo na lang ang mga kaanib ng Production 56.

Oo nga pala, muntik ko ng makalimutan, mula sa opisina ni Direk Maryo sakay kaming tatlo nina Robert Abiles, guwapo pa rin ang dating aktor na ngayon ay ayaw ng mag-artista dahil isa na siyang preacher ng Seventh Day Adventist Church at iniuukol na niya ang kanyang panahon sa paglilingkod kay Lord at sa kanyang pamilya. Apat ang naging anak niya (dalawang babae at dalawang lalaki).

Cheers tayo muli, direk. Happy 2012 sa inyong lahat!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply