Bosh pinaliyab ang Heat

INAKO ni Chris Bosh ang pansamantalang iniwang obligasyon nina star players LeBron James at Dwyane Wade upang ihawin ng Miami Heat ang Atlanta Hawks, 116-109 sa 2011-12 National Basketball Association, (NBA) regular season kanina.

May injury ang dalawa sa Big “3” ng Heat na sina James at Wade kaya naman sinandalan ng Miami ang isa pa nilang pambatong si Chris Bosh para talunin ang Hawks sa triple overtime.

Nagliyab ng 33 puntos, 14 rebounds at limang assists si Bosh para ilista ang 7-1 win-loss slate at manatiling nasa unahan ng Southeast division ng Eastern Conference.

Nakabingit ang Heat para sa ikalawang talo sana nila dahil angat ng tatlong puntos ang Hawks, 90-93 may 10 segundo na lamang ang nalalabing oras sa fourth period.

Subalit nakalusot si Bosh sa depensa ni Hawks forward Marvin Williams upang isalpak ang 26 foot three-pointer sa gilid mula sa assist ni Mario Chalmers kung saan ay six-tenths na lang ang oras at tabla ang score 93-93 papasok sa unang OT.

Pangalawang sunod na hindi naglaro si Wade dahil sa sore left foot habang si former NBA-MVP James ay may left ankle injury matapos matapakan ang paa ni Indiana Pacers guard Paul George habang pa-layup galing sa fastbreak noong Miyerkules.

Nakuha naman ni Wade ang kanyang injury noong Disyembre 28 sa laban nila kontra Charlotte Bobcats.

Gumawa rin si Chalmers ng 29 points, walong assists at pitong boards.

Si Joe Johnson ang nanguna sa opensa ng Hawks na may 20 puntos, tatlong assists at dalawang rebounds habang 17 pts. ang tinarak ni Josh Smith.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply