Bulls sinuwag ang Magic

NAGTULONG sina Chicago Bulls starter Derrick Rose, Luol Deng at Carlos Boozer para suwagin ang Orlando Magic, 97-83 sa nagaganap na 2011-12 National Basketball Association (NBA) regular season kanina.

Kumamada ng tig 21 puntos sina Rose at Deng habang 20 naman ang ginawa ni Boozer upang ilista ang anim na sunod na panalo at manatiling nasa unahan ng Central Division ng Eastern Conference ang Chicago na may 7-1 win-loss slate.

May 10 assists si star player Rose kung saan ay kulang lamang siya ng dalawang rebound para sa triple-double performance.

Umabot sa 17 puntos ang nilamang ng Bulls sa Magic kung saan ay bumaba ito tatlo subalit nanuwag agad ng 17-6 ang una upang tapusin ang laban.

Hindi umubra ang 28 puntos, 15 rebounds ni Magic star Dwight Howard kaya naging tatlo ang kanilang talo sa walong laro.

Dominado ng Bulls ang rebounds (46-37) kung saan ay may 27 assists din ang mga ito.

Ang bench naman ng Magic na maganda ang nilalaro sa season na ito ay wala ring nagawa matapos maglista lamang ng 3-for-15 sa field.

Sa ibang resulta, dinagit ng Atlanta Hawks ang Charlotte Bobcats, 102-96, sa overtime para ilista ang 5-3 record.

Tinalo naman ng Indiana Pacers ang Boston Celtics, 87-74, habang kinuryente ng Oklahoma City Thunder ang Houston Rockets, 109-94. ELECH DAWA

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply