CBCP official hinamon si PNoy

HINAMON ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na ipakita sa mga mamamayan na karapat-dapat siya sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga mahihirap.

Ito ang hamon sa Pangulo ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action (NASSA), kasunod nang marahas na demolisyon na naganap sa San Juan City kamakailan.

Ayon kay Gariguez, suportado ng mahihirap ang Pangulo at mistula umanong sampal sa kanila kung wala man lang magawa para sa kanila ang lider ng bansa.

“The urban poor support President Aquino so it would be a slap on their faces if the president can’t do anything about it,” anang CBCP official.

Nalulungkot rin si Gariguez na nangyari ang demolisyon sa kabila ng umiiral na moratorium para sa relokasyon ng mga nasa squatters area sa Metro Manila.

Nauna rito, noong nakaraang taon, ipinag-utos ni PNoy ang pagkakaroon ng moratorium para sa relokasyon ng mga tinatawag na “informal settlers” hangga’t wala pang nabubuong master plan ang pamahalaan para matugunan ang problema.

Gayunman, kamakailan lamang ay nagkaroon ng kaguluhan sa demolisyon sa Barangay Corazon de Jesus sa San Juan matapos na pumalag at manlaban ang mga residente, na ikinasugat ng may 33 katao.

Batay sa ulat, ang mga apektadong residente ay ililipat sa isang relocation site sa  Rodriguez, Rizal subalit tumanggi ang mga ito at pinaghandaan ang pagdating ng demolition team.

Naniniwala rin si Gariguez na nagkaroon ng paglabag sa panig ng lokal na pamahalaan ng San Juan ng ipilit nito na ituloy ang demolisyon. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply