Common visa para sa mga taga-Asean iminungkahi

SA HANGARING mapalakas ang turismo sa bansa, isusulong ng Pilipinas ang pagkakaroon ng iisang visa para sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ayon sa Department of Tourism (DOT).

Sinabi ni Tourism Secretary Ramon Jimenez, na malaking tulong ang pagkakaroon ng ASEAN common visa para sa pagsusulong ng kampanya nilang “It’s more fun in the Philippines” sa buong mundo.

Aniya, pabor ang mga siyam na bansang kasapi sa ASEAN na magkaroon ng iisang visa o pahintulot na bisitahin ang mga kasaping bansa upang magnegosyo o mamasyal.

Bukod sa Pilipinas, kabilang sa ASEAN ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.

Sa datos ng DOT noong 2011, pumapang-anim lamang ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN na pasyalan ng mga turista. Nangunguna ang Malaysia, Thailand, Singapore, Indonesia at Vietnam.

Ihahain ni Jimenez ang panukala kay Pangulong Benigno Aquino matapos na makonsulta ang ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Bureau of Immigration (BI).

Sa kasalukuyan, bukod sa mga mamamayan ng Estados Unidos, Canada at Inglatera, kailangan kumuha ng visa ng iba pang mamamayan kung bibisita ang mga ito sa Pilipinas.

Nagpahayag naman ng pagsuporta si Immigration Associate Commissiner Abdullah Mangotara sa panukala ng DOT.

Aniya, makatutulong ang pagkakaroon ng iisang visa para mapasama ang Pilipinas sa radar ng mga banyagang madalas magtungo sa mga kalalapit-bansa, tulad ng Thailand, Malaysia at Singapore.

Sinabi pa ni Mangotara, na maaaring ihalintulad ang ASEAN common visa sa ibinibigay na Schengen visa ng mga bansa sa Europa.

Ang Schengen visa ay nagbibigay pahintulot na makapasok sa 25 bansa sa Europa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply