Contingency plan ipinatupad para sa OFW sa South Sudan

DAHIL nakataas na sa alert level 3 ang South Sudan, nag-deploy na ng karagdagang personnel ang Department of Foreign Affairs (DFA) para tutukan ang gagawing voluntary repatriation ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Inatasan na rin ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang embahada ng Pilipinas sa Cairo na siyang may sakop sa South Sudan na kaagad ipatupad ang mga contingency plan para sa kaligtasan ng mga kababayan.

Batay sa datos ng DFA, tinatayang may 150 mga Filipino ang nagtatrabaho sa South Sudan at karamihan ay nasa mga construction company.

Maliban dito, ipinatupad na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang deployment ban sa nabanggit na lugar.

Samantala, isang OFW ang iniulat na na-hit and run sa Damascus, Syria.

Ayon sa DFA spokesman, Attorney Raul Hernandez, Enero 5 nang matagpuan si Violeta Marquez na walang malay sa isang tulay sa Damascus na pinaniniwalang nabangga ng isang sasakyan.

Bagama’t nadala pa sa ospital si Marquez, binawian din ito ng buhay noong Linggo (Enero 8).

Ayon kay Hernandez, kasama sana si Marquez sa mga uuwing OFW ngayong linggo kung hindi nangyari ang naturang insidente at inaasahan namang maiuuwi ang bangkay sa loob ng isang buwan.  Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply