Corona di palulusutin sa ill-gotten wealth issue

KAHIT pansamantalang isinantabi ng impeachment court ang pagtalakay sa ill-gotten wealth ni Chief Justice Renato Corona, kumpiyansa ang House prosecution panel na malakas ang ebidensiya dito na siyang igigiit sa paglilitis.

Sinabi ni Marikina City Rep. Federico Quimbo, kumpiyansa ang House prosecution team na malakas ang ebidensiya hinggil sa nakaw na yaman ni Corona sa patuloy na pagdinig sa Article 2 sa impeachment complaint laban dito.

Base sa pagsalang kahapon (Enero 25) ni Internal Revenue Commissioner Kim Henares sa witness stand para sa prosekusyon, lumilitaw na hindi sasapat ang kita ni Corona bilang associate justice at punong mahistrado mula taong 2002 hanggang 2010 upang makabili ng mga ari-ariang nagkakahalaga ng milyones.

“Kahit sumahin natin, hindi kakayanin ng sahod ni Chief Justice Renato Corona bilang miyembro ng Korte Suprema mula 2002 upang makabili ng mga real estate properties na muli-milyon ang halaga sa mga panahong iyun. Sa estima natin, aabot lamang ng hanggang P5 milyon ang kabuuang kita niya sa loob ng nakalipas na 10 taon at bahagi lamang ito ng ginastos niya para mabili ang mga milyun-milyong condo units,” ayon kay Quimbo, tagapagsalita ng prosekusyon.

Sinabi pa ni Quimbo na anumang tagong yaman ay buking sa income tax return (ITR), bistado sa bank deposits at mabibisto sa SALN.

“‘Yung magarang Bellagio penthouse unit sa Fort Bonifacio na nabili nila ng P14 million, tatlong ulit na ito ng sweldo niya sa Korte Suprema mula 2002 hanggang 2011,” diin pa ni Quimbo.

Sa panig naman ni Rep. Sonny Angara, walang lusot si Corona kung pagbabasehan ang kanyang mga ITR.

“Kung ang isda ay nahuhuli sa bibig, ang malalaking isda ay mahuhuli sa ITR. Tinimbang natin ang kita ni Corona, ngunit ito ay kulang para ipambili ng mga ari-arian,” giit pa ni Angara.

Kung bubusisiin ang nilalaman ng mga ITR, SALN at bank deposits ng mga Corona, masasagot na ang misteryo sa mga tagong yaman nila, ayon pa sa kongresista.

“Para itong jigsaw pieces na kapag pinasama-sama mo ay mabubuo na ang puzzle. Walang lusot dito si Corona dahil mga ligal na dokumento ang magpapatunay. Yan ang kagandahan ng pagpiprisinta ng mga dokumentong ito dahil hindi na niya maitatanggi na may mga nakaw at tagong yaman sila,” pagtatapos naman ni House Deputy Speaker Erin Tañada.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply