Corona, pamilya maaari pang umalis ng bansa

MAY karapatan pang lumabas ng bansa si Chief Justice Renato Corona at kanyang pamilya sakaling nanaisin nila sa harap ang pagpapa-subpoena ng Kamara sa impeachment court para dumalo sa unang pagdinig sa Lunes kaugnay ng asuntong hinaharap ng punong mahistrado.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Tina Cruz, wala pang balakid sa right to travel ng pamilya Corona lalo hindi pa natalakay ng impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon.

Hindi rin matitiyak ni Cruz kung may karapatan ang impeachment court na maglabas ng hold departurde order (HDO) laban sa pamilya Corona sakaling hilingin ng Kamara.

Matatandaang hiniling ng Kamara sa impeachment court na ipatawag si Corona, misis at mga anak nito at dalhin sa unang araw ng pagdinig sa Lunes ang mga dokumento kaugnay ng kwestyunable nilang mga ari- arian.

Pero ayon kay Cruz, sa Lunes pa malalaman kung pagbibigyan ng impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon.

Kasunod ito ng hamon ng prosecution panel kay Corona na ihanda na nito ang kanyang deed of donation sa kanyang mga kuwestyonableng ari-arian.

Ginawa ni prosecution panel spokesman at Marikina Rep. Miro Quimbo ang hamon bilang tugon sa pahayag ni Corona na nakahanda siyang ibigay ang sinasabing 45 mga ari-arian nito kapag napatunayang sa kanya o sa kanyang pamilya.

Sa inilabas na dokumento mula sa Land Registration Authority (LRA), sinasabing nagmamay-ari ang pamilya Corona ng 45 properties, kasama na ang ilang kabahayan at condo units.

Ayon pa kay Quimbo, hawak na nila ang kopya ng certificates of title at condominium certificates para patunayan ang kanilang alegasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply