Cytotec ibinebenta pa rin sa paligid ng Quiapo Church

INAMIN ngayon ng parish priest ng Quiapo Church na pasikreto pa ring ipinagbibili sa paligid ng simbahan ang ilang uri ng abortion drugs, tulad ng cytotec.

Nagpahayag din ng kalungkutan si Monsignor Clemente Ignacio dahil batay sa impormasyong nakarating sa kanya, ang mga naturang abortion drug ay ipinagbibili pa umano kasama ang ilang religious items.

“Nakikita natin ang vendor, kahit religious article ang binebenta, nagbebenta ng cytotec.  Sinisingit nila ang pagbebenta ng cytotec,”  pagbubunyag pa ni Ignacio.

Ang cytotec ay gamot sa sakit na ulcer ngunit ipinagbawal ang pagbebenta nito matapos na matuklasang nagiging sanhi ito ng pagkalaglag ng sanggol ng mga buntis.

Sinabi ni Ignacio na may ilan umanong taong nagsisilbing “barker” na gumagala sa paligid ng Quiapo na naghahanap ng “kostumer.”

Nakakatanggap umano ang mga naturang barker ng komisyon sa bawat kostumer na bumibili ng cytotec.

Nilinaw naman ni Ignacio na masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang kaso at inoobserbahan na ngayon ang naturang iligal na gawain ng mga vendor.

Maging ang mga ligal na tindero ay nag-oobserba na rin umano sa kanilang hanay upang protektahan ang kanilang negosyo sa paligid ng simbahan.

Kaugnay nito, binalaan pa ni Ignacio ang mga mamimili sa Quiapo na mag-ingat dahil maraming lookout na pulis at maging sila ay kaagad na aarestuhin sakaling mahulihan sila ng abortion drugs.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply