Dagdag pwersa sa pangangalaga sa dagat

SA pagtalakay ko kamakailan lamang ng Philippine Navy Sail Plan 2020, binigyang diin ko ang kahalagahan ng ating pangarap upang magkaroon ang Pinas ng higit na malakas at maaasahang Hukbong Dagat sa taong 2020. Nga lang, napakalaki ang puhunang kailangan – pantao at kagamitan – upang makamit ang isang lehitimong seguridad pandagat. Pero, sa pagtahak natin ng landas tungo sa pangarap na ‘to, dapat nating isaisip na buhay natin at ng mga susunod na henerasyon ang nakasalalay kapag di natin nakamit ito.

Isa sa mga istratehikong layunin o strategic objectives ng limang perspektiba ng Sail Plan ay ang pagkamit ng isang programang pang Laang Kawal na dagliang makatutugon sa mga pangangailangan ng Hukbong Dagat sa larangan ng karagdagang pwersang pantao. Ibig sabihin, dapat na makatotohanan at epektibo ang recruitment at mobilization ng ating mga Reservist sa oras ng pangangailangan.

Kasama rito ay ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng isang handang-grupo na nabigyan ng kaukulang mga kagamitan at sinanay ng puspusan upang tumugon at sumuporta sa regular na pweresa ng ating Sandatahang Lakas o AFP. Ito ang mga Laang Kawal natin o ang mga Reservist. Sila ang bumubuo ng isa sa pinakamalaking force multiplier o dagdag pwersa para sa pagtataguyod ng ating pambansang seguridad. Sa konsepto ng Laang Kawal sa AFP, ang mga pwersang ito ang idinaragdag sa mga regular na pwersa sa oras ng matinding pangangailangan sa lahat ng anyo ng pambansang banta.

At dahil hindi lamang sa digmaan tumutuon ang banta at tila nga nagkakaroon na ito ng bagong anyo (banta ng kalikasan at kalamidad ng gawang tao), napakahalaga ngayon ng isang dagdag na pwersa na tutulong sa ating kakaunting regular na pwersa.

Sa Navy, ang Naval Reserve Command (NRC) ang nangangasiwa sa pagpapaunlad ng ating mga Reservist. Mayroon itong mga Naval Reserve Unit sa iba’t ibang sulok ng ating bansa at handa ang mga ito na magmobilisa ng mga Reservist sa oras ng kalamidad at iba pang mga sakuna. Sa ngayon, patuloy ang pagtanggap ng NRC sa mga gustong sumapi bilang Reservists at tunay na ikinalulugod ng inyong Navy ang pakikisapi ninyo, mga kapatid kong anak ng dagat.

Nawa’y mapag-isipan ninyo ang alok namin sa inyo upang maging bahagi ng Laang Kawal ng Navy. Kaya natin yan, Pinoy!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply