Dahil palpak, posecution team pinapapalitan

DAHIL sa ilang ulit na pagsemplang ng prosekusyon sa Impeachment Court, pinapapapalitan na ng oposisyon sa Kamara ang mga miyembro ng 11-prosecution team partikular si Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr.

Sa lingguhang press conference ng Minority Bloc, inihayag nina Minority Leader Danilo Suarez, ANAD Party-list Rep. Pastor Alcover, Jr. at Siquior Rep. Orlando Fua ang kanilang balak na paghahain ng isang resolusyon na nagsusulong sa liderato ng Kamara na palitan na ang prosecution panel.

Ayon sa kanila, ito ay upang maisalba sa kahihiyan ang Kamara de Representates dahil lumalabas na hindi handa ang mga prosecutor.

Sa ikalimang araw ng impeachment trial kahapon (Enero 24) ay sinabon nina Senadora Miriam Defensor-Santiago at Presiding Judge Juan Ponce-Enrile si Tupas dahil sa kawalan ng kahandaan sa mga paghaharap ng testigo at ebidensya.

Ayon Alcover, nagiging katatawanan aniya sa kanilang mga constituents kahit hindi sila pumirma sa Articles of Impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona ang mga palpak na diskarte ng prosecution team sa pangunguna ni Tupas.

Aniya parang mga payaso o clowns daw ang prosecution team.

Nagbiro din ang mga kongresista na kung papayag lang sana si dating Minority Leader at Albay Rep. Edcel Lagman ay ito na lamang ang dapat na maging leader ng prosecution team dahil sa magaling ding abogado at bihasa ang kongresista.

Iminungkahi pa ni Alcover na i-withdraw na lamang ng prosecution team ang impeachment complaint at kung kailan na lamang handa at saka ulit maghain ng reklamo matapos ang isang taon.

Subalit tinutulan naman ito ni Fua sa pagsasabing, kapag iniurong ang impeachment case laban kay Corona ay hindi na maaaring ihain muli ang kaparehong reklamo dahil ito ay “double jeopardy” kahit lumipas pa ang isang taong impeachment ban.

Maaari aniyang tumindig sa susunod na paghahain ng impeachment ang alegasyon ng ill-gotten wealth na hindi nakasaad sa inihaing article 2 at kasalukuyang tinatalakay sa Impeachment Court.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply