Dalagitang umalma sa gahasa kinatay

IPINALALAGAY ng awtoridad na tinangkang halayin, pero nanlaban ang isang dalagitang estudyante kaya inatado ng saksak ng hindi pa nakikilalang salarin matapos pasukin sa loob ng kanyang bahay kaninang madaling-araw sa Sta. Mesa, Manila.

Hindi na umabot nang buhay sa UST Hospital si “Adrienne,” 13, ng Quintina St., Sta Mesa, Manila sanhi ng mga saksak sa katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa suspek na mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.

Base sa ulat ni  Det. Milbert Balinggan ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 2:00 ng madaling-araw nang maganap ang pananaksak sa loob ng bahay ng biktima.

Isang Jacquiline Tan at Roberto Pelaez, nakatira sa katabing kuwarto ng biktima ang nagising nang makarinig ng sigaw sa kabilang silid, pero hindi naman nila pinansin dahil inakalang away pamilya lamang.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya na nadiskubre ng 13-anyos din na dalagita ang nakabulagtang biktima, kaya agad ipinagbigay-alam kay Rosario Pelaez na lola ng biktima na siya namang humingi ng tulong sa magkapatid na Ronald at Roberto Pelaez para dalhin sa ospital ang biktima.

Sa report ng pulisya, lumilitaw na nagkalat ang natuyong dugo ng biktima sa kanyang kobre kama at plywood na partisyon ng kuwarto.

Wala rin umanong nagalaw sa mga gamit ng biktima, kaya hinalang tinangka itong halayin, pero nanlaban kaya pinagsasaksak.

Gayunman, binubusisi rin ng awtoridad, kung nagtangkang magnakaw ang suspek at nagising lamang sa pagkakatulog ang dalagita, na maaaring kilala niya ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply