Dasal ng bata

BALIK-PAARALAN na ang mga bata at nabisita ko minsan ang kaibigan kong Day Care teacher.

Tamang-tama naman ang pinag-usapan ng klase: paano nila sinalubong ang pagpasok ng 2012.

“Teacher, nanood po ako ng fireworks,” pagbibida ng isa.

“Kumain po kami ng lechon at fruit salad,” sabi ng matabang bata. “Naglaro po kaming lahat ng mga pinsan ko sa playhouse.”

Pero may isang bata na nagsabi…“Nagdasal po ako.”

“Anong pinagdasal mo?” tanong ng kaibigan kong teacher. “Ipinagdasal ko po na sana umuwi na si Nanay sa bahay.”

Pagkatapos ng klase ay tinanong ko yung batang madasalin kung nasaan ang Nanay niya.

Nasa Hong Kong nagtatrabaho pala bilang domestic helper.

Naisip ko, na ilan kayang bata ang nakaisip magdasal muna bago pumasok ang Bagong Taon. Sa kabila ng putukan at pasikatan ng makukulay na fireworks display, naalaala ba natin ang magdasal?

Nahiya ako sa sarili ko sa sinabi ng batang madasalin. Namimis na niya ang kaniyang Nanay at iyon lang ang hiling niya sa bagong taon. Napakasimpleng kahilingan ngunit tama siya.

Sa Simbahang Katoliko, ang pagpasok ng Bagong Taon ay kapistahan ng Inang Birhen, si Mother Mary, Ina ng Panginoong Hesukristo. Bilang isang Katoliko, binigyan ako ng aral ng batang madasalin doon sa Day Care Center.

Marami akong sinulat sa aking “wish list” para sa 2012 ngunit wala roon ang paghahanap ko sa Ina ng sanlibutan.

Pag-alis ko sa day care, nagpasalamat ako sa bata at sinabi ko, “Iho, sigurado uuwi ang Nanay mo. Kaya siya wala ay para magtrabaho at mabigyan ka ng magandang kinabukasan.

Sigurado yan kasi mabait ka. Ituloy mo lagi ang dasal mo.”

“Salamat po. God bless.”

Pagtapos ay tumuloy na ako sa simbahan at katulad ng bata, pinagdasal ko rin ang nanay ko at nagdasal kay Mother Mary at Panginoong Hesukristo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply