Dating cashier ng LTO-NCR kinasuhan sa Ombudsman

NAHAHARAP ngayon sa kasong katiwalian ang isang babaeng cashier ng  Land Transportation Office- National Capital Region (LTO-NCR) matapos itong sampahan ng kaso sa Tanggapan ng Ombudsman dahil sa kabiguan nitong i-remit ang kanyang  koleksiyong umaabot sa P3,123,327.14.

Isinampa na ni NCR-LTO Director Teofilo “Jojo” Guadiz III, ang mga kasong Grave Misconduct at paglabag sa Article 217, Revised Penal Code Malversation of Public Funds, sa Ombudsman noong Disyembre 2, 2011 laban kay Marites Lopez, dating cashier sa LTO-Valenzuela Registration District Office.

Ito ay nang madiskubre ni NCR-LTO Management and Audit Analyst III Lorna de Leon ang nasabing anomalya matapos ang ginawa niyang pag-audit.

Sa isinagawang audit ni De Leon lumabas na magmula noong Disyembre 2008  hanggang Disyembre 2010, nabatid na may cash shortage si Lopez na nagkakahalaga ng P3,077,392.03.

At bilang precautionary measure inalis ni Guadiz si Lopez sa kanyang posisyon bilang cashier sa LTO-Valenzuela habang iniimbestigahan ang anomalya.

Noong Enero 11, 2011 si Lopez ay inilipat sa maliit na tanggapan ng LTO-Driver’s License Renewal Center sa SM Megamall sa nasabi ring posisyon.

Ngunit magkagayunman noong October 5, 2011, ipinarating ni Officer-in-Charge Nerren De Ramos ng  LTO-DLRC ang impormasyon sa NCR-LTO na hindi idineposit ni Lopez ang araw-araw na koleksiyon nito mula Setyembre 30, 2011 na nagkakahalaga ng P45, 935.11.

Dahil dito, ayon kay Director Guadiz matapos makakuha ng prima facie evidence ang  Audit Team ay nagsumite na sila ng pormal na rekomendasyon matapos ang maingat na ebaluwasyon ng anomalya bago nagdesisyon ang NCR-LTO na magsampa ng kaso laban kay Lopez sa Ombudsman na ngayon ay nasa floating status.

Ayon pa kay Director Guadiz, nakatakda ring magsasampa ng hiwalay na reklamong katiwalian ang kanyang tanggapan laban naman sa kanilang male evaluator sa LTO-Las Pinas, ang district head ng Muntinlupa LTO, record officer, cashier at dating plate custodian ng Caloocan LTO.

Kasabay nito binalaan ni Director Guadiz ang lahat ng empleyado ng ahensya na walang puwang sa kanyang tanggapan ang mga tiwaling empleyado hanggat siya ang nananatiling pinuno ng NCR-LTO.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply