Dayo sa lugar tinaniman ng bala sa katawan

BINUBUSISI ng mga tauhan ng Manila Police District ang motibo sa pagpatay sa isang lalaki na pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Binondo, Manila kaninang madaling-araw.

Namatay noon din ang biktima na tinatayang nasa edad 20 hanggang 25 anyos ; may taas na 5’6 hanggang 5’7; at nakasuot ng kulay berdeng t-shirt, itim na maong pants at itim na sinelas. Mabilis namang tumakas ang mga hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang nakatira malapit lamang sa lugar ng pinangyarihang krimen.

Base sa report ni P/Sr.Insp. Joselito “Joey” de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang makarinig ng sunud-sunod na putok ang ilang residente sa Gate 62 Area-H sa Binondo.

Isang Tricycle driver na nakilalang si Teodoro Austero, 49, isa sa residente na malapit lamang sa krimen ang  isa sa nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril habang mahimbing itong natutulog.

Nagawa nitong bumaba para makiusyoso at tumambad ang duguang biktima na nakahandusay sa semento. Agad nitong ipinagbigay alam sa naka-duty na barangay tanod na sina Olivero Abundio at Ricahard dela Cruz ng Brgy.275 Zone 25 ang kanyang nakita bago nila ito inireport sa pulisya.

Nagresponde naman noon din ang mga tauhan ng MPD-San Nicolas Police Community Precinct na pinangunahan ni P/Insp. Roy Juan Padro saka kinordon ang  paligid ng bangkay at itinawag sa MPD-Homicide Section.

Nabatid sa ulat ng pulisya, hindi kilala sa lugar ang biktima at maaaring holdap o napag-tripan ito ng mga tambay sa lugar.

Lumitaw pa sa report ng pulisya na walang anumang bagay na makikita sa katawan  o wallet man lamang para sa pagkakakilanlan dito. Rene Crisostomo

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply