Deadline sa pagbabayad ng tax, renewal ng lisensya sa Makati hanggang sa Enero 20

HANGGANG sa Enero 20, 2012 na lamang ang itinakdang palugit ng pamahalaang lungsod ng Makati sa pagbabayad ng buwis sa real property at renewal ng mga lisensya ng negosyo.

Nagpaalala si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay sa mga negosyante at may-ari ng mga establisimiyento sa lungsod na agahan ang pagbabayad upang hindi mapagmulta at makakuha pa ng diskuwento bago sumapit ang palugit.

Mananatili umanong nakabukas ang Business Permits Office at Real Property Tax Division kahit lagpas sa “working hours” at tuwing Sabado at Linggo upang masilbihan ang inaasahang pagdagsa ng mga tax payer.

Nakabukas rin ang kanilang 14 na satellite payment centers sa mga barangay.

Nag-aalok ang pamahalaang lungsod ng Makati ng 10 porsiyentong diskuwento sa mga real property tax na taunan kung magbayad ngunit papatawan ng 8 porsiyentong penalty kung makapagbabayad ng lagpas sa buwan ng Marso.

Nasa 5 porsiyento naman ang diskuwento sa mga “quarterly basis” ngunit papatawan ng 2 porsiyentong penalty kada buwan kung mahuhuli sa takdang oras ng pagbabayad.

Tumatanggap ang pamahalaang lungsod ng real tax payments sa mga sumusunod na barangays: Dasmariñas sa Enero 6 at 7; Forbes sa 9 at 10; Magallanes, 11; San Lorenzo, 12; Tejeros at San Antonio, 13; Bangkal at Pio del Pilar, 16; Guadalupe Nuevo at East Rembo, 17; West Rembo at Pembo, 18.

Tatanggap ang naturang payment centers mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply