Deboto turuan ng tamang pananampalataya sa Nazareno– obispo

IGINIIT ng isang Catholic bishop na kailangan nang isailalim sa formation at edukasyon ang mga deboto kaugnay sa tamang pagsamba at pananampalataya sa Itim na Nazareno.

Ito’y matapos na magpakita ng kawalan ng disiplina ang mga deboto na nagpupumilit na makapunas, makahawak sa lubid at makasampa sa karosa ng Itim na Nazareno kahit pa nakakasakit na sila ng kapwa deboto.

Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, hindi na maganda ang nangyayari sa prusisyon na nagkakasakitan ang mga deboto.

Ang kailangan aniya ay ipaunawa sa mga deboto na hindi na kailangan pang sumampa sa andas at makipagbalyahan, makapunas o mahipo lamang ang imahe ang Poong Nazareno upang maipadama ang tunay na pananampalataya.

Ipinaliwanag ni Bacani na ang paghawak ng kamay, pagpunas ay hindi dapat maging tanda ng pananampalataya kundi ang importante ay ang paniniwala ng tao.

Giit pa nito, na hindi sa pamamagitan ng imahe o estatwa ang pagdedeboto dahil ang pananampalataya sa Panginoon ay nasa puso, isip at pansin.

“Ang importante ay paniniwala ng tao, it is not the touch of the hand that matter kundi ang mahipo ang panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya,” ayon kay Bacani, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Dagdag pa ni Bacani na: “Dapat i-educate ang mga tao, ituon ang isip at pansin hindi lamang sa estatwa kundi ang inilalarawan ng estatwa na si Hesu Kristo na siyang puso, isip at pananampalataya. Kahit hindi mo mahawakan ang Poon kung matingnan mo sa pamamagitan ng pananampalataya ay lalo kang pagpalain.”

Samantala, pinansin naman ni Fr. Anton Pascual, executive director Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas 846, na marami sa mga nagpunta at sumali sa traslacion o prusisyon ay hindi masyadong nagsisimba at hindi naaabot ng katesismo ng simbahan.

Aniya, marami sa mga pumupunta na mga deboto ay hindi para magmisa kundi para sa prusisyon lamang kaya malaking hamon ito para sa simbahan na bigyan ng tamang edukasyon o turuan ang mga deboto upang magkaroon nang mas maayos na traslacion, debosyon at pananalig sa Poong Nazareno.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply