Depensa: ITR ni CJ wala sa reklamo

NAGHAIN ngayon ng memorandum ang panig ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona para harangin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagbubulatlat ng income tax return (ITR) ng punong mahistrado.

Ayon sa depensa, lumilihis at lumalayo na ang mga inilalabas na ebidensiya ng prosekusyon dahil ang ITR ay wala sa walong articles of impeachment.

Iginiit ni Atty. Judd Roy, abogado ng depensa, na wala silang problema kahit pa gamitin ng prosekusyon ang lahat ng ITR ni Corona kung ito ay kasama sa lehitimong reklamong inihain.

Sinabi naman ni defense lawyer spokesman, Atty. Tranquil Salvador, na ayaw nila na mahusgahan agad ang punong mahistrado kaya hindi nila papayagang mailabas ang ITR nito.

Aniya pa, sa oras na mailabas ang ITR ni Corona ay maaaring magkaroon ng paghuhusga sa laban dito.

Ipinagtataka rin ng panig ng depensa, ay kung bakit pati ang ITR ng anak ni Corona at ilan sa mga kaanak nito ay ipinalalabas gayong sa kanilang paningin ay wala na ang mga ito sa kaso ng punong mahistrado.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply