DFA bigong mapauwi ang OFWs sa Syria

BIGO ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kampanya nito na maiuwi ang mga naiipit na overseas Filipino worker (OFW) na nasa bansang Syria,

Sa isang pulong pambalitaan, inamin ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na wala ni isa man sa mga lider ng Filipino community sa Damascus ang nagpahiwatig na gusto na nilang bumalik sa Pilipinas.

“Nakausap namin ang 25 Filipino leader sa Syria at wala ni isa sa kanila ang nagsabing gusto nilang bumalik sa Pilipinas,” malungkot na pahayag ni Del Rosario matapos ang dalawang araw na pamamalagi sa Damascus upang hikayatin ang mga OFW na magbalik-bayan dahil sa tumitinding pampulitikang kalagayan sa nasabing bansa.

Pangunahing dahilan kung bakit ayaw bumalik sa Pilipinas ng mga OFW ay ang kawalan ng pagkakakitaan sa bansa, ayon pa sa kalihim.

Gayunpaman, nahikayat pa rin ng pamahalaan ang 200 OFW at nakatakdang bumalik ang mga ito sa mga susunod na linggo.

Nakausap din ni Del Rosario ang mga opisyal ng Syrian government at nangako naman ang mga ito ng tulong upang mapabilis ang repatrriation ng mga OFW.

Kabilang sa tulong na ibibigay ng pamahalaang Syria ay ang pagpapalabas ng patalastas sa mga pahayagan sa Damascus na nag-aabiso sa mga Filipino na makipag-ugnayan sa embahada dahil itinaas na ang alert level 4 o sapilitang paglilikas.

Kakausapin din ng pamahalaang Syria ang mga lokal na opisyal sa Homs, Hama, Idlib at Daraa upang hikayatin ang mga OFW na naninirahan sa mga nasabing lugar na umalis na.

Umaasa pa rin si Del Rosario na sa mga nasabing hakbangin ay makahihikayat pa sila ng mga Filipinong magbabalik-bayan.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 10,000 Pinoy ang nasa Syria, kabilang na ang mahigit sa 6,000 undocumented o walang ligal na papeles.

Kinastigo rin ni Del Rosario ang patuloy na pagpasok ng mga OFW sa Syria sa kabila ng deployment ban na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (Dole).

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply