DOH nakaalerto pa rin sa tetano

b tapos na ang pagsalubong sa Bagong Taon, nakaalerto pa rin ang Department of Health (DOH), ngunit sa pagkakataong ito ay laban naman sa tetano na maaaring bunga ng pagkasugat mula sa paputok o fireworks injuries.

Mananatili umano ang monitoring ng DOH sa tetanus cases hanggang sa Enero 21 lalo na’t pagkalipas pa ng ilang araw bago makita ang sintomas ng tetano dulot ng sugat sa paputok.

Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang mga taong nasugatan dahil sa paputok na kaagad na magpa-doktor upang makaiwas ang mga ito sa tetano.

Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC), na kahit pa maliit lamang ang sugat na natamo mula sa paputok ay hindi ito dapat na balewalain.

Dapat aniyang kaagad na dalhin ang mga ito sa health center o sa pagamutan upang matingnan mula sa posibleng sintomas ng tetano.

Giit ni Tayag, na hindi dapat maliitin ang sugat mula sa pagsabog ng paputok, lalo na’t ang sintomas ng tetano ay maaaring makita lamang pagkalipas pa ng ilang araw at pwedeng mauwi sa pagkamatay kapag napabayaan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply