Early registration ng DepEd dinagsa sa QC

DINAGSA ng mga magulang kasama ang kanilang mga anak ang  “1-day early registration” ng Department of Education (DepEd) sa San Diego Elementary School sa Batasan Hills, Quezon City.

Maaga pa lang ay marami ng mga magulang bitbit ang kanilang mga anak na papasok sa kindergarten at Grade 1 para sa school year 2012-2013 ang nakapila sa registration.

Sa pagtaya ng eskuwelahan, nasa pagitan ng 100 hanggang 200 na ang bilang ng mga nakapilang magulang kasama ang kanilang mga anak na magpaparehistro.

Ayon kay Rosalinda Catan, principal ng paaralan, batay sa kanilang record, sa kinder pa lamang mayroon silang 13 sections habang 24 sections naman sa Grade 1.

Pumapalo na aniya sa 6,053 ang populasyon o bilang ng mga estudyante sa San Diego Elementary School at inaasahan nilang lolobo pa ito pagpasok ng school year 2012-2013 dahil sa dami ng mga nagpaparehistro ngayon.

Bitbit ng mga magulang ang birth certificate ng kanilang mga anak, pero paliwanag ng principal, maaari namang magparehistro ang kanilang mga anak kahit hindi pa dala ang mga dokumento gaya ng birth certificate at pwedeng “to follow” na lamang ito.

Sa mga papasok sa kindergarten, dapat limang taong gulang ang edad nito pagsapit ng Hunyo 2012 habang ang papasok naman sa Grade 1 ay dapat anim na taong gulang pagsapit ng Hunyo ng taong ito. Alex Ching

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply