Employment program ni PNoy suportado ng BI

AKTIBONG sinusuportahan ng Bureau of Immigration (BI) ang programa ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na makapagbigay ng trabaho para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng espesyal na trato sa mga dayuhang magbibigay ng regular na trabaho sa hindi kukulangin sa 10 manggagawa sa bansa.

Sa isang kalatas, sinabi ni Immigration Commissioner Ricardo David, Jr. na magbibigay na ang kanilang tanggapan ng special visa for employment generation (SVEG) sa mga dayuhang nais magtayo ng negosyo o kaya naman ay sa mga dayuhang kumpanya na mayroong mga banyagang opisyal sa bansa.

Sa bagong alituntunin na pinagtibay ni Justice Seretary Leila de Lima kamakailan, ibibigay ang SVEG sa sinumang dayuhan na mapapatunayan na ang kanilang negosyo sa bansa ay makapagbibigay o nagbigay ng regular na trabaho sa mga Pilipino, ito man ay may posisyong namamahala, propesyonal, teknikal o skilled o manual labor.

Ang Department of Labor and Employment (Dole) ang magbibigay ng katibayan na ang isang negosyo ay magbibigay o nagbigay ng hindi bababa sa 10 hanapbuhay sa mga Pilipino.

Gayunpaman, saklaw pa rin ng Saligang Batas at ng batas sa dayuhang pamumuhunan ang SVEG.

Kailangan din kumuha ng clearance sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation (NBI), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at sa kawanihan ang mga aplikante sa SVEG.

Sakaling makumpleto ang mga nabanggit na dokumento, magbabayad ang aplikante ng mahigit kumulang sa P30,000 para sa ibibigay na SVEG.

Kapalit naman nito ay ang walang taning na paninirahan sa Pilipinas kasama ang kani-kanilang pamilya, gayundin ang hindi pagbabayad ng exit clearance kung lalabas ng bansa.

Ayon naman kay BI Legal Officer Cris Villalobos, hepe ng SVEG one-stop shop, maaring magsumite ng aplikasyon sa punong tanggapan ng kawanihan sa Intramuros,Maynila o sa alinman sangay ng immigration sa mga lalawigan

Tiniyak pa ni Villalobos na maibibigay ang SVEG sa loob lamang ng 15 araw matapos na maisumite ang kumpletong dokumento.

Umaasa pa ang mga opisyal ng kawanihan na makakatulong ang SVEG upang mahikayat ang mga dayuhang negosyante na maglagak ng puhunan sa Pilipinas at makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Nauna nang ipinatupad ang SVEG noong panahon ni dating Commissioner Marcelino Libanan noon 2009. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply