Filipino sa impeachment at kalokohan sa SALN

PAANO kaya ipauunawa nang malinaw sa mamamayan ang nagaganap sa paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa kaso nitong impeachment?

Tinatanong natin ito dahil sa kahirapan ng mga ordinaryong mamamayan na umunawa sa lengguwahe ng mga Hukom, Tagausig at Depensa.

Kahit na maglakad kayo, mga Bro, sa mga barangay, malalaman ninyo ang problemang ito.

Interesado man sila, hindi naman nila mauunawaan.

Tanging sa media na lamang umaasa ang mamamayan ng kalinawan ukol sa paglilitis.

Ang masama, eh, kung isang araw ay sasabihin ng mga ito na “misquoted” lamang sila ng media.

He-he-he!

BINGO, DAMA, BASKETBALL

Dahil hindi nauunawaan ang mga ligal na termino ng mga bida, kontrabida at referee sa kaso, yung mga tambay ay mas gusto na lang ang maglaro ng dama, basketball, chess, bingo at marami pang iba.

Sa Metro Manila na marami ang telebisyon at kahit saan na may mga radyo, marami talaga ang hindi nakikinig at naghahanap na lang ng mga drama o komentaryo sa kung ano-anong bagay.

‘Yung iba, nag-aantay na lang ng paglabas ng mga diaryo at doon nila aalamin kung ano ang nagaganap sa hearing.

Mahalaga talaga ang lengguahe at kung gusto nating makinig ang marami, mga Bro, dapat sanang magawan ng paraan ang Ingles na yan.

Paano nga kaya isasalin sa dila ng masa ang pinag-uusapan?

SA MGA OPISYAL NAKIKINIG

Pumunta naman tayo sa isang barangay.

Alam ba ninyo kung paano tinatrato ang pagdinig sa impeachment?

Nakararami pala sa mga barangay tanod ang hindi rin nakauunawa sa Ingles ng mga abogado sa paglilitis.

Mayroon ding mga kagawad.

‘Yung kapitan lang ang medyo matikas.

Ang problema nga lang, eh, meron siyang pinapanigan.

Kung sino ang pinapanigan ni Kap, yun na ang katotohanan at yun na rin ang nasusunod.

PARANG ALAMANG NA PAANOD-ANOD

Dito natin nauunawaan, mga Bro, na marami talaga ang basta na lang sumusunod sa kung ano-anong kaisipan ang maraming mamamayan.

Kung ano ang sasabihin ng mga lider-lider, ‘yun ang sinusunod nila.

Kapag may nanawagan ng kung ano-ano, doon sila pumupunta.

Kung nasaan ang malakas na agos, doon sila nagpapatianod.

Parang alamang silang tinatangay ng agos na pumupunta kung saan-saan at hindi makasalungat.

MATATALINO ANG MASA

Hindi natin sinasabing bobo ang milyong ordinaryong mamamayan.

Ang sinasabi lang natin, eh, marami ang hindi nakauunawa sa lengguwahe ng mga abogado lalo’t de kampana ang mga ito.

Kahit malakas ang tunog ng kanilang kampana, hindi basta nalalaman ng marami ang lumalabas sa bibig ng mga ito.

Pero kung nauunawaan lang nila ang mga pinag-uusapan sa mga oras na ginaganap ang paglilitis, tingnan ninyo, gumagawa ang mga ito ng mga pagkilos para maituwid ang dapat na maituwid.

KKK AT EDSA ANG PATUNAY

Dahil sa paggamit ng sariling wika na tumatagos sa mga ordinaryong mamamayan, tingnan ninyo kung paano sila naninindigan.

Sila ang mga pangunahing puwersa noong panahon nina Andres Bonifacio.

Sila rin ang bumuo ng milyon-milyong puwersa ng pagbabago noong mga EDSA 1 at 2.

Ganyan kalakas ang mamamayang nakauunawa sa lahat ng bagay na pinag-uusapan sa pamahalaan.

Maging kabulukan man yan o mabubuting bagay.

ANO ANG LAMAN NG SALN?

Makaraan ang labanan sa katwiran, nanaig kahapon ang puwersa na nakikipaglaban para sa paglalabas ng Statement of Assets and Liabilities and Networth ng mga opisyal ng bayan.

Hindi pa natin alam ang SALN o rekord ng kita at kayamanan ni Corona.

Darating pa lang ang araw na malalaman natin kung may itinatago itong yaman o may nakaw na yaman kaya.

Antayin natin ang paglabas ng katotohanan ukol dito.

At kung ano ang magiging desisyon ng mga Hukom na senador.

SALN SA SC, OMBUDSMAN, ETC

Sa totoo lang, talaga namang napakahirap ang pagkuha ng SALN ng mga opisyal ng bayan.

Kahit mga mediaman hirap na hirap sa pagkuha nito.

Sa Kamara, sa Senado, sa Ombudsman, sa Department of Justice, sa mga pag-aari at kontrolado ng pamahalaan na korporasyon.

Haharangan ka.

Kung hirap ang media, lalong hirap na makakuha ng SALN ang ordinaryong mamamayan.

Ganito katindi ang problema sa rekord ng kayamanan, pag-aari at utang ng mga opisyal ng bayan.

Kaya naman, kung mandugas sila o magnakaw ng pera ng bayan, napakahirap na malaman.

Ang nakikita lang natin ay ang nagiging palasyo na bahay ng mga ito, ang pagdami ng kanilang mga lupa, sasakyan, negosyo,  pagbiya-biyahe nila sa iba’t ibang bansa, pagpapaaral ng kanilang mga anak sa mga napakamamahal at exclusive school at bisyo.

SALAMAT SA IMPEACHMENT

Mabuti na lang at may kasong impeachment.

Kahit pa chief justice ng Korte Suprema ay pupuwedeng kantihin ng masa kahit pa untouchable ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply