Galit ng kalikasan: LGU at palasyo nagturuan

PANIBAGONG sakuna na naman ang kinahaharap ng mga Pinoy partikular sa Mindanao gayung hindi pa nakababangon mula sa kahindik-hindik na pinsalang dulot ng Bagyong Sendong sa mga taga Cagayan de Oro at Iligan, heto naman ngayon ang landslide sa minahan sa Napnapan, Pantukan sa Compostella Valley.

Marami na naman ang namatay, marami ang nasugatan at mahigit isandaang katao ang nawawala na hinihinalang natabunan ng lupa sa minahan na kanilang pinagtatrabahuhan.

Nangangamba ang pamahalaang lokal ng Compostela na umabot sa 100 katao ang nasawi sa naganap na insidente.

Matagal nang ipinagbabawal ang small-scale mining o ipinatigil na ang pagpapalabas ng permit para sa pagmimina subalit nakalulusot pa rin ang ganitong uri ng trabaho kung saan malaki na ang dulot na pinsala sa kapaligiran ay nakalagay pa sa balag ng alanganin ang buhay ng mga trabahador.

Sa nangyari, hindi kaya magtuturuan na naman ang Local Government Units at National Government kung sino ang dapat sisihin?

Posibleng ituro ng LGU na makukulit ang mga residente at trabahador kaya hindi mapatigil-tigil ang pagmimina sa lugar. Pero hindi pupuwedeng sabihin ng mga ito na malayo sa kanilang tanggapan ang pinagmiminahan kaya ‘di nila mabantayan. Kung talagang ginagawa nila ang kanilang tra-baho, walang dahilan upang makalusot ang mga nagmimina. Baka namanuso rin sa lugar ang la-gayan kaya naman nakalulusot ang mga minahan.

Ang Malacañang naman, mabilis sa pagsasabing mananagot ang may kasalanan. Hindi dapat ganito ang reaksyon ng Palasyo. Dapat, walang sisihang magaganap kung ginagawa rin nila ang nararapat.

Ngayon pa lang, dapat nang may mga paraan na silang ipinalalabas upang hindi na maulit pa ang mga naunang sakuna. Noong trahedya pa lang na dulot ni Sendong, kumilos na sila. Sabi nga sa Ingles “an ounce of prevention is better than a pound of cure.”

Kelan pa kikilos ang pamahalaan? Kapag wala ng mga tao sa Pilipinas dahil inubos na ng kalamidad? O hindi na kayang bumangon mula sa pagkakalugmok dulot ng galit ng kalikasan?

Kailangang kumilos ang pamahalaang Aquino dahil ito ang nagbabayad sa mga kasalanan ng nakaraang administrasyon. Malaki ang kinita ng mga Arroyo at mga kaalyado nila subalit ang mga Pilipinong patuloy na naghihirap ang nagbabayad at humaharap sa karmang dapat sana ay ibinuhos na lang sa kanila.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari  kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply