Gatdula, Llamas, Cuevas, INC at impeachment

MISTULANG drama/thriller na ang kinalalabasan ng impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Senado.

Habang sinusulat ko ang piyesang ito ay usap-usapan na sa mga karinderya, barberya at paradahan ng tricycle dito sa UP Village ang conspiracy theory sa labanan ng Malakanyang, Supreme Court, Iglesia ni Cristo at mga taong nabibilang sa impeachment hearing.

Ngayon, pati ang kaibigan kong si Director Magtanggol Gatdula ay nadamay na raw sa iringan ng Malakanyang, SC at Iglesia ni Cristo. ‘Yung pagsibak umano kay Gatdula ay bilang pressure sa Iglesia ng Malakan-yang na bitawan ang suporta kay Corona.

Ang puno’t dulo ay ang pagtayo ni dating Justice Serafin Cuevas bilang lead defense lawyer ni Corona. Si Cuevas ang legal counsel ng makapangyarihang Iglesia ni Cristo.

Pati ang napahiyang si Presidential Political Adviser Roland Llamas ay pasok na sa eksena. Si Llamas umano ang lumapit sa Iglesia para himukin ang simbahan na iatras ang suporta kay Corona.

Bagamat itinanggi na ni Cuevas na may emisaryo daw sa kanya ang Malakanyang, may nagsabi sa Free Spits na totoo raw ang pressure na ito.

Lahat ay pinakikilos na umano ng Malakanyang para lang madiin na si Corona at maalis ito sa puwesto.

Ang masakit nito, yung umaasa na siya ang susunod na Chief Justice ay malamang maiwan na nakabitin sa ere dahil may babaeng justice na kinausap si Pangulong Benigno Aquino at inaalok sa puwesto ni Corona.

Ang kinalalabasan ngayon ng impeachment hearing ay isang sarsuwela na ang tanging pakay lamang ay masibak si Corona upang makontrol muli ng Malakanyang ang Supreme
Court.

Sa ganitong paraan, mababawi muli ng mga Aquino at Cojuangco ang Hacienda Luisita na nauna ng ipinamigay ng Supreme Court ni Corona  sa  mga  magsasaka ng Tarlac.

Kaya huwag po tayong magpauto sa mga pustura ng magka-bilang panig, Malakanyang man o si Corona.

Ang tanging pakay ng impeachment hearing na ito ay bakbakan sa kapangyarihan, kung sino ang mas makapangyarihan, ang Malakanyang ba o ang Korte Suprema?

At sa huling pagsukat, ang pinakamalaking tanong ng Free Spits at ng taumbayan, hindi ang katotohanan, sa totoo lang, kundi magdadala ba ng bigas sa hapag- kainan ng masang Filipino ang drama sa Senado?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply