Genelyn umalma sa Ramgen-Janelle sex video

UMALMA ang kampo ni Genelyn Magsaysay hinggil sa kumakalat na “sex video” ng kanyang anak na si Ramgen Revilla at kasintahan na si Janelle Manahan matapos itanggi na may kinalaman ito sa pagpapakalat sa naturang video na pinagpipiyestahan na ngayon sa Internet.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Genelyn nang magtungo sa tanggapan ni Parañaque Assistant City Prosecutor Leah Roma para samahan ang anak na si Ragelyn Gail Bautista at mister na si Hiro Furuyama sa pagsalang ng dalawa sa preliminary investigation.

Sinabi ni Genelyn na hindi kayang gawin ng kanyang pamilya na i-upload pa sa internet ang naturang sex video dahil nakakasira ito sa magagandang alaala na iniwan ng kanyang anak. Hindi aniya sa ganitong pamamaraan nila bubuhayin ang mga alaala ni Ramgen kundi sa mga magagandang nagawa sa kanilang pamilya.

Maging ang abogado ng kampo ni Genelyn na si Atty. Jeffrey Gepte ay pumalag din sa akusasyon ng kampo ni Manahan na may kinalaman ang pamilya Bautista sa pagkalat ng sex video at inihayag na wala namang mapapala rito ang kanyang kliyente.

Kanina ay nagsumite na rin ng kanilang counter affidavit ang mag-asawang Gail at Hiro Furuyama bilang tugon sa salaysay ni Manahan na nagdadawit sa dalawa sa nangyaring pamamaslang.

Bukod sa counter affidavit, naghain din si Hiro ng motion to quash o pagbasura sa pagdadawit sa kanila sa nangyaring krimen at kahilingan na bitawan ni Fiscal Roma ang kaso sa paniwalang may pagkiling ang tagausig sa mga pahayag ng mga nagdadawit sa kanilang mag-asawa.

Sa inihaing counter affidavit ng mag-asawa, pinabulaanan nila ang akusasyon na malapit nilang kaibigan si Ryan Pastera, alyas Bryan na itinuturong siyang humanap at umupa ng salarin na papaslang kay Ramgen.

Samantala, maging ang Parañaque police ay dumepensa rin sa nagkalat na nabatid na sex video makaraang linawin ni Parañaque Police chief Sr. Supt. Billy Beltran na wala na sa kanilang pangangalaga ang cellphone ng napaslang na si Ramgen Revilla na posibleng pinagmulan umano ng pagkalat ng sex video.

Ayon kay Beltran, na i-turn over na nila sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame ang i-phone ni Ramgen at cellphone ni Janelle Manahan noon pa mang isinasailalim sa imbestigasyon ang kaso.

Bukod aniya sa dalawang personal na gamit ng magkasintahan, wala na silang iba pang gadget na nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen at hindi rin aniya nila nakita sa mga nakuha nilang gamit ang naturang sex video.

Idinugtong pa ni Beltran na palaisipan pa rin sa kanila ang motibo ng taong nagpakalat ng naturang video at minalas lamang ang kanilang testigong si Manahan para mapaglaruan ng ganitong uri ng pagkakataon.

Dagdag pa ng opisyal, isang taong may sakit lamang sa pag-iisip ang maaaring gumawa ng naturang hakbang lalo na’t wala naman itong kinalaman sa nangyaring krimen.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply