Ghost employees sa Pasay City Hall iniimbestigahan ng COA

SINIMULAN na ng Commission on Audit (COA) ang pagsusuri sa itinuturing na mga “ghost employee” sa Pasay City Hall makaraang mabulgar ang pagtanggap ng sahod ng mga ito sa kabila ng hindi pagtatrabaho sa lokal na pamahalaan.

Kaninang umaga, isa-isang sinuri ng mga tauhan ng COA sa Pasay City ang talaan ng mga kawani na nakatalaga sa Sangguniang Panlungsod, tanggapan ng bise alkalde at sa mismong tanggapan ni Mayor Antonino Calixto.

Nabulgar ang isang katerbang ghost employees sa Pasay City matapos lumutang sa listahan na ilang mga kawani ang umano’y tumatanggap lamang ng halos P500 hanggang P1,000 kada kinsenas at katapusan ng buwan gayung triple pa sa naturang halaga ang kanilang pinipirmahang sahod.

Natuklasan din na kabilang ang pangalan ng isang bilanggo sa Pasay City Jail sa ghost employees na tumatanggap na sahod kaya’t kumilos na ang COA upang magsagawa ng sariling imbestigasyon at alamin kung saan napupunta ang malaking bahagi ng salapi na inilaang sahod sa ghost employees.

Sa talaan, pinakamarami umanong ghost employees sa Sangguniang Panlungsod at sa Mayor’s Office kaya’t dito itinutok ng COA ang kanilang pagsisiyasat upang malama kung sino-sino ang dapat managot sa naturang katiwalian.

Tumanggi naman ang COA na magbigay pa ng kaukulang impormasyon sa isinasagawa nilang pagsisiyasat bagama’t maraming mga kawani ang nagkumpirma sa ginagawang imbestigasyon.

Bukod sa mga ghost employee, nauna ng nabulgar ang umano’y umiiral na nepotismo sa lokal na pamahalaan ng lungsod matapos mabigyan umano ng masasabaw na puwesto ang mga malalapit na kaanak ni Mayor Calixto.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply