GMA sa kulungan, ipinaubaya ng simbahan sa korte

ANG hukuman lamang ang dapat magdesisyon kung nararapat na bang ilipat sa isang ordinaryong piitan si dating Pangulo, ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Daet Bishop Gilbert Garcera, ipinauubaya na ng Simbahang Katolika sa hukuman ang desisyon sa naturang isyu dahil ito ang dapat magdesisyon kapag karapatang pantao na ang pinag-uusapan.

“Let the court decide at yun ang dapat sundin.Walang ibang dapat masunod kapag karapatang pantao ang pag-uusapan kundi ang korte,” ayon kay Garcera.

Matatandaang si GMA ay kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sanhi ng karamdaman sa buto.

Gayunman, may lumabas na ulat na sinabi na ng mga doktor ng VMMC na maayos na ang lagay nito.

Sanhi nito, hiniling ng Commission on Elections (Comelec) sa Pasay Regional Trial Court (RTC) na humahawak sa kasong electoral sabotage na kinakaharap ni GMA, na mailipat na ito ng regular na bilangguan.

Hiniling din ng poll body na maglabas ng report ang VMMC hinggil sa kondisyon ng kalusugan ng dating pangulo.

Nilinaw naman ng Comelec na hindi na ipipilit na mailipat ng bilangguan ang dating pangulo kung mapatutunayang hindi pa ito magaling.

Nais ng Comelec na sa special detention facility sa Southern Police District (SPD) mailipat si GMA sa sandaling magaling na ito upang hindi maakusahan ang pamahalaan na binibigyan ito ng special treatment.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply