GMA sa regular jail, hindi ipipilit ng Comelec

NILINAW ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila ipipilit na mailipat na sa regular na kulungan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung talagang may karamdaman pa ito.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., hihintayinmuna nila ang clearance ng mga doktor bago magdesisyon kung isusulong nang mailipat sa regular jail ang dating pangulo.

Matatandaang naghain ang mga abogado ng Comelec ng mosyon sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) at hiniling na mailipat na sa regular na bilangguan si GMA.

Hiniling din ng poll body sa hukuman na pagsumitihin ang mga doktor ng Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) ng ulat hinggil sa kasalukuyang medical status ng dating pangulo upang matukoy ang kondisyon ng kanyang kalusugan.

Sinabi ni Brillantes na kung sasabihin ng mga doktor ni GMA na maayos na ang kanyang kondisyon at maaari nang ilipat ay saka lamang nila tuluyang isusulong na mailipat na siya ng bilangguan.

Handa rin ang poll body na makinig sa report ng mga dating pribadong doktor ng pangulo mula sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City upang makapaglabas ng patas na desisyon ang Pasay court.

Matatandaang may nakabimbin ding mosyon ang kampo ni GMA na payagan itong ma-house arrest.

Gayunman, mas nais ng Comelec na sa regular detention cell mailipat ang dating pangulo upang hindi magduda ang ilan na binibigyan siya ng pamahalaan ng special treatment.

Nais ng Comelec na mula sa hospital arrest sa VMMC ay ilipat si GMA sa isang special detention cell na matagal nang nakahanda sa Southern Police District (SPD).

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply