Gordon nainis sa slogan ng DOT

NAIRITA ang dating senador na Richard Gordon sa bagong tourism slogan ng Department of Tourism (DOT) na “It’s more fun in the Philippines.”

Ayon kay Gordon na dati ring secretary ng DOT, halatang kinopya lamang ito sa lumang tourism slogan ng Switzerland na “It’s more fun in Switzerland.”

“Nakakahiya! Nangopya na naman tayo,” sambit ni Gordon.

Sinabi pa ni Gordon na nag-ingat sana ang DOT sa paglikha ng bagong slogan matapos ang kontrobersyang nangyari sa ilalim ni dating Secretary Alberto Lim kung saan ang prinisintang “Pilipinas kay Ganda” ay halaw din sa tourism logo ng bansang Poland.

Kinuwestiyon din ng dating senador ang timing ng paglulunsad ng bagong slogan dahil hindi pa natatapos ang kalbaryo ng mga tinamaan ng flashflood sa Cagayan de Oro City, Iligan City at Dumaguete City gayundin ang nangyaring landslide sa Compostela Valley kung saan hinihinalang 150 katao ang nalibing ng buhay.

“May pagka-insensitive sa akin, dapat sana hindi muna pinalabas ngayon while we are having a disaster of major proportion. Nakikita sa CNN, sa BBC, nakikita ‘yung mga tao natin na nagkakamatay sa kalamidad,” giit ni Gordon.

Idinagdag pa nito na hindi na sana nagpalit ng tourism slogan ang DOT at pinanatili na lamang ang kanyang “Wow! Philippines” tulad na lamang ng ginagawa ng bansang Thailand at Malaysia kung saan pinahahalagahan ang mga orihinal nilang slogan.

“Parang Malaysia, truly Asia dalawang dekada na hindi pa pinapalitan. Lalo na yung Amazing Thailand, tatlong dekada na,” katuwiran ni Gordon. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply