Gov Vi ayaw papasukin ang anak na si Luis sa pulitika

IPINAHAYAG ng Batangas Governor at Star for All Seasons na si Vilma Santos-Recto na sa ngayon, ay hindi niya papayagan ang anak na si Luis Manzano na sundan ang yapak niya na pasukin ang pulitika.

“Bata pa naman ang anak ko at gusto ko na i-enjoy muna niya ang kanyang kabataan. Kung magulo ang showbiz, mas magulo at kumplikado ang mundo ng pulitika,” say niya noong nakaraang induction of new set of officers ng Philippine Movie Press Club(PMPC) na ginanap sa RJ Bistro sa Timog, Quezon City kung saan siya ang naging inducting officer.

Dagdag pa niya, “hindi gawang biro ang maging isang public servant. Kung sa atin sa showbiz, nagagawa agad nating ma-patch up ang mga kaguluhan, sa pulitika, iba. Kailangan magpakita ka ng pruweba para maging karapat-dapat ka.”

Napabalita kasi noon na balak tumakbo ng anak niyang si Luis Manzano bilang mayor ng Lipa City, Batangas kung saan si Gov. Vi nagsimulang pasukin ang pulitika at maging mayor ng lungsod sa loob ng siyam na taon.

Kung may balak man daw ang kanyang anak na si Luis na pamunuan ang lungsod ng Lipa at hindi raw muna sa ngayon. Hayaan muna daw natin na mag-enjoy si Luis sa kanyang buhay-showbiz at lovelife kay Jennylyn Mercado na wala raw naman siyang tutol dito dahil masaya raw naman siya kung saan masaya ang kanyang anak.

Walang kokontra!

***

Ang kababawan ni Coco Martin

HINDI na mapapasubalian ang pag-akyat ng career ng boy-next-door na si Coco Martin na ngayon ay considered na isa sa pambato ng Kapamilya network. Dahil sa markado niyang pagganap sa natapos na teleseryeng “Minsan Lang Kita Iibigin” na dahilan para gawaran siya ng acting award for television, binigyan agad siya ng follow-up TV series at inihanay agad siya sa mga beteranong artista— ang “Walang Hanggan” kung saan kasama niya sina Susan Roces, Helen Gamboa, Richard Gomez, Dawn Zulueta, Eddie Gutierrez, Joel Torre, Rita Avila, Paulo Avelino, Melissa Ricks at ang bago niyang kapareha na si Julia Montes sa panibago niyang break sa teleserye.

Sa grand fans day na ginanap kamakailan sa Sky Dome, SM North, natuklasan na sa kabila pala ng tunay na masasabing tagumpay niya sa showbiz at paglutang ng kanyang talento sa acting, ay kanyang kababawan sa buhay. Hanggang sa ngayon, hindi pa pala nagsi-sink in sa kanyang sistema ang mga nagaganap sa kanyang buhay— meaning ang kanyang kasikatan, ang kanyang tinatamasang pag-angat sa kabuhayan at feeling niya nagtatrabaho lang siya ng normal na trabaho na hindi showbiz.

Marami ang nagpapatunay nito at sana nga raw ay hindi magbago ang ugali niyang mababaw at normal pa rin na takbo ng buhay. Ang sabi lang daw nito ay nagkapera lang ng konti na siyang itinutulong sa kanyang pamilya na gusto niyang bigyan ng kaluwagan sa buhay.

Noong gawaran siya ng PMPC ng Male Star of the Night, hindi raw ito makapaniwala at nang tanggapin niya ang tropeo ay talagang nanlalamig ang mga kamay sa magkahalong nerbiyos at tuwa.

Sana nga ay hindi mapunta sa ulo niya ang tagumpay kundi isapuso lamang para magtuloy-tuloy ang kanyang biyaya.

Kasalukuyang umaani ng mataas na rating ang “Walang Hanggan” na nagsimula pa noong January 16. Mabilis ang phasing ng programa sa direksiyon nina Jerry Sineneng at Trina Dayrit at ang focus ay nasa love story nina Coco Martin at Julia Montes. Makikilig na!

***

Bagong PMPC set of officers

BONGGA ang oathtaking ng bagong set of officers ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na ginanap sa RJ Bistro, Victoria Tower, Timog, Quezon City nu’ng January 24, 2 p.m.

Tuwang-tuwa ang PMPC officers at members dahil hindi binigo ng Star For All Seasons at Batangas Governor Ms. Vilma Santos ang imbitasyon ng organisasyon para sa kanyang harapan manumpa ang bagong PMPC officers.

Bago ang panunumpa sa kani-kanilang tungkulin ay nagkaroon muna ng munting programa hosted by Evelyn Diao, na isa ring PMPC member.

Ang outgoing president, Melba Llanera ang nag-opening remarks. Buong-puso siyang nagpapasalamat sa buong miyembro ng organisasyon sa tiwalang ibinigay sa kanya sa loob ng dalawang taon (2010 at 2011).

Dumalo rin sa naturang event ang Star Builder na si Kuya Germs (German Moreno). Nagbigay siya ng mensahe hindi lamang sa PMPC kundi sa lahat ng mga naroroong press people. Ganoon din ang producer ng Star Awards for Movies, Music and TV na si Tess Celestino.

Maging ang National Press Club (NPC) president, Mr. Jerry Yap ay personal na dumalo at siyang nagpakilala para sa guest of honor, walang iba kundi ang actress-politician, Gov. Vi (Ate Vi sa industriya).

Na-touch si Ate Vi sa pagpapakilala sa kanya ng NPC president lalo nang sabihin nitong “Si Ate Vi, ang platinum actress ng industriya na ngayon ay iginagalang na gobernadora ng Batangas. Sa 2016 sana ay makita naman natin siyang sa Senado na nakaupo.”

Sa inspirational talk ng Star For All Seasons, nabanggit ni Ate Vi na golden anniversary na niya ngayong taong ito. At kilalang-kilala na rin niya ang mga miyembro dahil nakalakhan na niya ang PMPC kung saan 46 years ito ngayon (naitatag nu’ng 1966). Si Ate Vi ay nag-umpisang mag-artista nu’ng siya’y siyam na taong gulang pa lamang.

Pagkatapos manumpa ng mga bagong PMPC officers – Roldan Castro (President), Romel Galapon (Vice President), Jimi Escala (Secretary), Ador Saluta (Vice Secretary), Boy Romero (Treasurer), Blessie Cirera (Vice Treasurer), Joe Cezar (Auditor), Beth Gelena (P.R.O.), at Board of Directors: Julie Bonifacio, Veronica Samio, Letty Celi, Ernie Pecho, Gerry Ocampo, Timmy Basil at Benny Andaya — ay nagkaroon ng signing contract para sa Star Awards for Movies sa pangunguna ng Airtime Marketing producer, Ms. Tess Celestino with PMPC President-overall chairman ng 28th PMPC Star Awards For Movies, Roldan Castro at execom chairwoman Julie Bonifacio.

Gaganapin ang Star Awards sa March 14 at mapapanood ito sa ABS-CBN sa March 18. Ibabalik ng PMPC ang tradisyon na ito ang unang nagbibigay ng award at palabas sa telebisyon.

Nagpapasalamat din ang bagong PMPC officers sa lahat ng miyembro at mga past president ng organisasyon, mga kaibigang dumalo, ang talent-manager Lito de Guzman, comedienne-actress Chariz Solomon, talent-manager Ricky Gallardo at ang entertainment editors ng iba’t ibang newspapers.

Pinasasalamatan din ng PMPC ang mga sponsor para sa importanteng araw na ‘yun – Glutamax, Afficionado, Hammerhead, Brazilian Coffee, Erase Placenta at ang F&G Tailors, headed by Jowan and Jun dela Cruz.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply