Grabeng trapik sa Makati

GRABENG reklamo ang inaabot ngayon ng pamunuan ni Mayor Junjun Binay ng Makati dahil na rin sa ginagawang mga paghuhukay ng mga tauhan ng city hall sa napakaraming mga kalsada sa nasabing lungsod.

Maging ang kahabaan ng J.P. Rizal avenue na isa sa pinakaabalang kalsada sa buong lungsod ay hindi rin nakaligtas sa paghuhukay ng mga masisipag na mga tauhan ng city hall kung kaya’t hindi nakapagtataka na laging masikip ang trapiko sa nasabing daan.

Karamihan sa mga side street mula sa barangay Poblacion hanggang sa mga barangay ng Valenzuela at Olympia ay hinuhukay din kaya wala na tuloy magamit na alternative route ang mga sasakyan sakaling maipit sila sa J.P. Rizal.

Dahil sa napakaraming reklamo na nakararating sa akin mula sa mga motorista ay tinatawagan natin ang pamunuan ng Makati city hall na kung maaari ay huwag naman sana nilang pagsabay-sabayin ang paghuhukay ng mga kalsada.

Ang isa pa nilang panawagan ay maglagay naman daw sana nang road signs at advisories ang mga contractor na may on-going repair works sa isang partikular na kalye para hindi na sila maabala pa na pumasok doon.

Kapag nakapasok na raw kasi sila sa isang ginagawang kalye ay inaabot na sila nang siyam-siyam bago makalabas sapagkat one way na ang kanilang daraanan.

Bagama’t maaaring ang layunin ng city hall sa mga paghuhukay na ito ay ang paghandaan ang nalalapit na tag-ulan, siguro naman ay maari nila itong gawin sa mas maayos at episiyenteng pamamaraan.

Iyon bang hindi naman nakaaabala at nakaaapekto sa takbo nang pamumuhay ng mga mamamayan. Pag hindi kasi maayos ang sistema nila sa pagpapatupad ng kanilang mga proyekto ay hindi maiwasang mag-isip ang mga tao na baka pinagkakaperahan lang nila ito.

At iyan din ang naiisip ni Tio Jamie Rey na kahit sa Pasig City nakatira ay isa sa mga apektado ng problema nang trapiko sa Makati.

Kaya nga inaasahan natin na gagawin ng maayos ng mga tauhan ni Mayor Junjun Binay ang kanilang trabaho para naman hindi sila pag-isipan ng masama ng publiko.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply