Grace Ibuna kakasuhan ng tunay na asawa ni Iggy

POSIBLENG makasuhan ng tunay na asawa ni Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ang common-law wife nitong si Grace Ibuna dahil sa umano’y pagbibigay ng permiso na tanggalin ang life support system na nakakabit sa kongresista ilang oras matapos siyang ideklarang “clinically dead.”

Napag-alaman kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Alicia Arroyo, na nagpakilalang legal wife si Ibuna noong comatose sa London Clinic si Iggy matapos atakehin sa puso.

Iginiit ni Alicia na hinding-hindi niya tatanggalin ang plug kay Iggy kahit pa matagal na silang hiwalay.

Sinabi pa nito na kahit nasa proseso na ng annulment ang kanilang kasal ay hindi siya pabor dito. Taong 2005 pa aniya nang tumigil sa pagpunta sa kanilang tahanan sa La Vista, Quezon City ang kongresista.

Iginiit naman ni Ibuna na hindi sa kaniya nanggaling ang desisyong tanggalin na ang life support system.

Sinasabing nagkausap sina Ibuna at dating First Gentleman Mike Arroyo, panganay na kapatid ni Iggy, bago pa tanggalin ng mga doctor ang aparato.

Itinanggi naman ni Mike na iniutos niya ito bagama’t tinanong aniya siya ni Ibuna kung ano ang gagawin.

“I told her it’s up to you. You’re the one there. I never told her to pull the plug,” sabi ni Mike Arroyo. “She was asking me what to do. Better you discuss it with the daughter. She’s telling us the hospital,
prinessure siya ng hospital.”

Nasa London na ngayon ang panganay na anak ni Iggy na si Bianca sa una nitong asawang si Marilen Jacinto para asikasuhin ang mga labi ng ama.

Matatandaang noong isang taon pa nasa London si Iggy para magpagamot ng kaniyang sakit sa atay at tanging si Ibuna ang kasama nito. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply