GSIS sa mga barangay official isusulong

BILANG pagbibigay importansiya at pagkilala sa lahat ng opisyal ng barangay sa buong bansa, isinusulong ng dalawang mambabatas na maisama sa benepisyo sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS) ang lahat ng barangay officials.

Nakapaloob ang nasabing hiling sa panukalang House Bill 5637 na isinumite nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Teddy Casiño na may titulong An Act Providing Pension Benefits for Barangay Officials.

Ayon sa dalawang mambabatas, panahon na upang bigyan ng sapat na pagkilala ang mga opisyal ng barangay bilang mga kawani ng gobyerno na nagsisilbing direktang nag-uugnay sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan.

Isang paraan anila ay ang pagmimiyembro sa kanila sa GSIS upang makatanggap naman ng mga benepisyong nasasailalim ng GSIS na nararanasan ng mga kawani ng gobyerno tulad ng regular na suweldo, insurance coverage at pensyion kapag nagretiro na.

Inaatasan ng panukalang ito ang GSIS, sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng mga liga ng barangay na kumakatawan sa mga opisyal ng barangay, na bumuo ng kinakailangang alituntunin at batas upang maipatupad ang batas na ito.

Masasakupan ng gagawing alituntunin at batas ang usapin ng rate of premiums at ang paraan ng pagbabayad, ang lawak ng insurance coverage, ang kontribusyong dapat kolektahin mula sa barangay officials at ang posibleng kontribusyon ng probinsiya, lungsod, munisipalidad na kinabibilangan ng opisyal ng barangay, ang posibleng ilalaang pondo sa General Appropriations Act, at iba pang isyu upang maipatupad na maging batas.

Ang maisasama sa GSIS ay ang mga Punong Barangay, mga Barangay Kagawad, kalihim at ingat-yaman ng barangay.

Batay sa Local Government Code of 1991, ang barangay officials ay maaari lamang tumanggap ng honorarium na hindi bababa sa P1,000 kada buwan para sa Punong Barangay at P600 kada buwan sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay, kalihim ng barangay at ingat-yaman ng barangay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply