Gugulong ang ulo kuno

ILANG beses na bang sinabi ng Malakanyang na gugulong ang ulo ng mga opisyal ng pamahalaan na puro kapalpakan ang dulot?

Marami na pong beses at sa dami ay hindi ko na matandaan ang karamihan.

Pero kung inyo pang naaa-lala, matapos ang mahabang panahon ng pagmumuni-muni ng ating Pangulo ay nabigkas niya ang babalang ito: Gugulong ang ulo nila!

Binigkas niya iyan sa harap ng mga estudyante ng Rizal Technological University (RTU) sa Mandaluyong nang inip na inip na ang bayan sa pagpapa-rusa sa mga palpak na opisyal ng gobyerno hinggil sa Quirino grandstand hostage massacre.

Kawawang mga estudyanteng walang kamuwang-muwang sa pulitika.

Umaasa silang may mga ulo ngang gugulong pero may gumulong ba?

Kung ganyan nang ganyan ang inyong maririnig ay may maniniwala pa kaya sa mga babala ng pamahalaan?

Dumating ang lupit ni Ondoy,  at muling nagbabala ang pamahalaan, heads will roll, they said. May mga ulo bang gumulong?

Opo, ang sabi ng Malakanyang, may ulong gugulong kung, at malaking kung yan, mapatutunayan na nagpabaya ang mga local official sa kanilang tungkuling bigyan ng proteksiyon at kalinga sa mga naninirahan sa Compostela Valley at karatig pook na sinalanta ng bagyo kamakailan.

May mga ulo bang gugulong sa pagkakataong ito? Baka stir lang ‘yan. Easy lang kayo na mga taga Palasyo.

Malapit na ang susunod na eleksyon at kayong mga gobernador, mayor at pati ang mga barangay chairman ang  tiyak na aasahan ng Malakanyang na magdala ng boto sa kanyang mga kandidato.

Sinabi rin ng Pangulo na parusahan ang mga illegal logger, isang warning na kay tagal nang hinintay ng buong bayan magmula pa noong panahon ni Manuel Quezon.

May maparusahan kayang illegal logger? Bolabs yan, mga kasama.

Paano na si senador at si congressman na umaasa nang milyon-milyong pisong nanggagaling sa troso?

Libo-libong mamamayan ang namamatay sa baha at sa bagyo. At tuwing may bagyo, lagi na lamang may “heads will role” ang warning ng Malakanyang.

Baka naman walang will ang Malakanyang na magpatupad ng batas, kaya anomang will yan, maski political will o last will and testament man ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply