Gutom lang yan

NOW it can be told.

KUMONTI ang mahihirap, pero dumami ang nagugutom noong nakaraang taon.

Ito ang kongklusyon ng pinakahuling survey ng pinagpipitaganang Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 3-7, 2011.

Nakalilito, pero pwede namang mangyari ito, mga ‘tol.

Ang ibig sabihin, may mga Filipino na sa kani-kanilang sariling diskarte ay nakahulagpos sa tanikala ng matinding kahirapan. Hindi sila yumaman, mga ‘tol.

Nadagdagan lang marahil ng ilang piso ang kanilang pang-araw-araw na badyet.

Sila ang masuswerte.  Ang malas ay ang mga dating may nakakain na ngayon ay talagang nalilipasan na ng gutom. Naglalaro sa 400,000 pamilya ang bagong salta sa kagutuman.

Mula kasi sa 4.1 milyon ay naging 4.5 milyong pamilya na umano ang nakararanas ng pamimilipit ng tiyan dulot ng kawalan ng inilalagay dito.

Hindi ko mapigilang isipin kung ilang kapatid sa sektor ng transportasyon – mga drayber, maliliit na opereytor, barker, konduktor at iba pa—ang “gumradweyt” sa kagutuman. Sana makita ko sila.

Kapag nakita ko sila, kukunin ko ang mga pangalan nila at address. Wala siguro silang contact number. Malabo silang magkaroon ng cellphone. Wala nga silang makain eh, alangan namang magpa-load pa sila.

At kung meron nga pero hindi naman nagagamit dahil hindi nga ma-loadan, malamang ay ibenta o isangla nila ito upang may pambili ng noodles at bigas para pantawid-gutom ng pamilya.

Kung makahihiram ako ng digital camera, lilitratuhan ko sila at ang pamilya nila.

Ilalagay ko ang listahan ng mga pangalan at address pati ang mga litrato nila sa malalaking balikbayan box at ipadadala ko sa LTFRB.

Sana, kapag natanggap ang mga ito ng pamunuan ng nasabing ahensya, makumbinsi silang naghihirap nga pala ang mga manggagawa ng transportasyon.

Sana, mga ‘tol, pagbigyan na nila ang kahilingan nating madagdagan ang pasahe sa mga pampasaherong sasakyan.

O kaya, para hindi na ako mahirapan, gamitin na lang nila ang kanilang sentido kumon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply