Halimbawa ni Pacquiao

IBINIDA natin noong nakaraang kolum (Miyerkules) si boxing icon Manny Pacquiao.

Ipinunto natin na tunay namang napakarami na niyang achievement, personal man o pambayan.

Unang-una na rito ay ipinakita niya ang husay, disiplina, lakas at diskarte ng mga Filipino.

Bigla, muling nabuhay sa kaisipan ng kanyang mga kababayan na, oo nga, maaari nating maabot ang tila hindi maaaring abutin.

Sa madaling salita, tinuruan tayo ng Pambansang Kamao kung paanong mangarap muli.

Napakalaking bagay nito.

Oo nga’t kahit galing siya sa pagkaaba, nagawa niyang itaas ang kanyang estado.

Tinitingala siya hindi lamang ng mga Filipino kundi maging ng milyon-milyong katao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kaya nga’t ang pagkilala sa kanyang pinaniniwalaan ay sapat para makatulong na itulak ang iba’t ibang programa ng bansa.

Puwede niyang piliing magretiro sa boksing at mag-serbisyo na lamang sa publiko bilang pulitiko.

Puwede pa naman siyang maging trainer ng mga kabataan o kaya’y magpatayo ng paaralan para sa sports.

Hindi na niya kailangang lumaban pang muli.

Hindi na kailangan na isugal niya ang lahat.

Parang hinahamon na niya ang kanyang kapalaran.

Dapat ay alam din niya kung kailan sisimulan ang panibagong bakbakan – ang  paggapi sa kahirapan.

Ang tagumpay ay nakalalasing.

Ang ugong at tunog ng palakpak, hiyawan at pagsamba ng mga humahanga ay parang nagpapalango ng malay.

Ang kailangan ay alam niya kung kailan siya hihinto.

Tama na, Pacman!

Habang nasa tugatog ka ng tagumpay ay ilaan mo ang iyong lakas para itaguyod ang interes ng bayan mong sinilangan.

Ikaw ay kislap ng ating panahon, katangi-tangi at importanteng salik ng layunin sa pag-angat ng Pilipinas.

oOo

(Ang Puno’t Dulo ay mararating sa angpunotdulo@yahoo.com at pinoy.transporter@yahoo.com)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply