HDO vs GMA ipinalabas ng Sandiganbayan

NAGPALABAS na ngayon ng Hold Departure Order (HDO) ang Sandiganbayan 4th Division laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang HDO ay ipinalabas isang araw matapos mai-raffle ang kinakaharap na kasong graft ni Ginang Arroyo na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kontrobersiyal na national broadband network Deal scandal.

Una rito, ikinagalak ng tinaguriang “whistle-blower” sa kontrobersiyal na NBN-ZTE scandal ang agarang aksyon ng Sandiganbayan sa naturang kaso laban kay Gng. Arroyo.

Sinabi ni Joey de Venecia, magiging madali para sa Sandiganbayan 4th Division na talakayin ang kaso, dahil dito rin umano nakabinbin ang hiwalay na kasong kanyang isinampa laban naman kay dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.

Ang kaso ay kaugnay sa ibinunyag noon ni De Venecia na umano’y overpricing ng Arroyo administration sa isinusulong noon na $329-million national broadband network project sa pagitan ng pamahalaan at Chinese firm na ZTE Corp.

Maliban sa dating Pangulo, dawit din sa kaso sina former First Gentleman Jose Miguel Arroyo, dating Transportation and Communications (DOTC) Secretary Leandro Mendoza at si Abalos.

“Sa tingin ko, hindi magtatagal ang pag-aaral ng korte diyan. Kasi, ang 4th Division ay siya ring may hawak sa hiwalay na ZTE case against former Comelec chair Abalos. kaya sa tingin ko, hindi magtatagal,” ayon kay De Venecia.

Kasabay nito, inihayag din ni De Venecia na nakahanda siyang maging testigo laban kay Arroyo sakaling kailangan ng prosecution ang kanyang tulong.

Sina Gng. Arroyo at Abalos ay kasalukuyang nakapiit habang hinihintay ang paglilitis sa hiwalay na kasong electoral sabotage.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply