Hindi nagkamali

MATAPOS magdeklara na papalaot sa mundo ng politika, marami ang sumama at nakiisa sa mga adhikain ng noon ay kakapagbitiw pa lang na kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bagaman hindi sinuportahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa kagustuhang makipagtagisan sa larangan ng pampanguluhan, hindi pa rin  nawalan ng pag-asa si Hermogenes Ebdane na marami ang tutulong sa kanya sa kanyang pagtakbo bilang pangulo.

Nagpakita ng suporta sa kanya ang militar, pulis, mga kasamang Mason, mga dating kaklase, kaibigan, kamag-anak at mga opisyales at tauhan ng DPWH. Marami ang naglabas ng tulong pampondo sa kanyang pangarap.

Subalit sa bandang huli, dahil na rin sa tawag ng kagustuhang makapaglingkod muna sa kanyang bayang sinilangan, umatras sa pampanguluhan si Ebdane at nagdesisyong tumakbo bilang gobernador ng Zambales.

Hindi binigo si Gov. Ebdane ng kanyang mga kababayan. Nanalo siya. At bilang ganti, naglingkod siya sa mga Zambaleño na nagbigay ng kanilang tiwala sa kanyang pamunuan.

Noong Lunes, sa ilalim ng matinding init ng araw, naging maalab ang damdamin ng mga taga-Zambales sa pagtanggap sa kanilang puno ng lalawigan sa ginawa nitong State of the Province Address (SOPA) sa Zambales Sports Complex.

Libo-libong tao ang nakinig sa kanyang pag-uulat at ang mga ito ay mula sa iba’t ibang tanggapan ng nasyunal at lokal na pamahalaan, mga paaralan, mga negosyo.
Maging ang mga kaibigan, kamag-anak at kakampi ni Ebdane ay sumaksi rin sa pangyayari.

Ipinagmalaki ng dating Philippine National Police (PNP) chief at dating kalihim ng National Defense na mula ng siya ang namuno sa lalawigan ay unti-unting nakikita ang pagbabago at pagsulong ng kanilang lalawigan.

Bunga nito, nagpasalamat siya sa mga mamamayan dahil hindi aniya magiging matagumpay ang anumang proyekto niya kung hindi sa tiwala at pakikiisa ng mga ito.

Tama ang ginawang pagtimon ni Ebdane sa kanilang bangka kung kaya’t ang layag nito ay maayos na nailadlad dahilan upang maakay niya ang kanyang lalawigan tungo sa pag-unlad.

Bago ang SOPA, pinasinayaan ni Ebdane ang bagong gawang P50-milyong Carael Road sa Botolan na magsisilbing daan sa mga taga-Hilaga at Timog ng lalawigan, ang 50-milyong halaga ng mga makabagong kagamitan sa medisina sa Ramon Magsaysay Provincial Hospital at ang P100-milyong Provincial Sports Complex.

Kasama rin sa pinasinayaan ang P200-milyong Bucao Dike na sinimulan noong Disyembre 2009, hindi pa si Ebdane ang nakaupong gobernador, subalit ang ipinambayad sa pondo galing na sa kanyang pamumuno.

Marami pang pag-unlad ang pangarap ni Ebdane para sa kanyang lalawigan at ang lahat na ito ay nakatala na sa kanyang Blueprint 2020 kung saan pangunahing layunin ang pagpapaunlad ng trabaho o pamamasukan, pagawa o imprastraktura, turismo, agrikultura at kalusugan. Lahat ng proyektong nais pagtuunan ng pansin ng administrasyon ni Ebdane ay may balik o return of investment (ROI)

Kaya nga, hindi nagkamali ang mga Zambaleño sa pagluklok kay Ebdane sa kanyang puwesto na naging dahilan sa pagsulong nito na ang makikinabang ay ang buong pamayanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply