Hirit ni Pastera, haharangin ni Janelle

UMALMA ang kampo ni Janelle Manahan, kasintahan ng napaslang na si Ramgen Revilla sa hirit ng abogado ng isa sa mga suspek na si Ryan Pastera sa korte na mailipat sa detention cell ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang kliyente.

Ito ay makaraang kuwestiyunin ni Atty. Argee Guevarra ang inihaing urgent ex-parte motion ng abogado ni Pastera na si Atty. Melinda Salcedo sa sala ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Judge Fortunito Madrona ng Branch 274 na humihiling na mailipat sa NBI detention facility ang kanyang kliyente dahil sa banta sa kanyang buhay.

Sinabi ni Guevarra na hindi nila papayagang katigan ng korte ang hirit ni Pastera na mailipat sa NBI sa paniwalang mabibigyan ng espesyal na pagtrato ang akusado sa naturang ahensiya.

May hinala rin ang kampo ni Manahan na may malapit na kaanak sa NBI si Pastera lalo na’t ang mga ahente pa ng ahensiya ang nagsilbing escort ng akusado nang dumalo sa preliminary investigation sa piskalya noong Nobyembre ng nagdaang taon.

Hindi rin kinagat ng kampo ni Manahan ang sinasabing banta sa buhay ni Pastera dahil kung tutuusin ay mas ligtas siya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Parañaque City jail.

Bukod dito, mas malayo aniya ang NBI sa Parañaque Hall of Justice kumpara sa Parañaque City Jail kaya’t mas nakatitiyak aniya ang kaligtasan ng akusado sa biyahe sakali at magsimula na ang pagdinig sa kaso.

Kaugnay nito’y hiniling na rin ng mga abogado ni Manahan sa korte na maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa mga akusado sa pagpaslang kay Ramgen, kasama na si Maria Ramona Belen Bautista na kasalukuyang nasa Turkey.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply