Hokus-pokus sa Quezon City Jail

BIGYAN natin ng pansin ang masaklap na nangyari sa buhay ni Jeffrey Abas na isang preso sa Quezon City Jail.

Ang masaklap nakakulong na nga ang tao,  tinamaan pa siya sa hita ng isang bala ng baril na kalibre .9MM nitong pagsalubong sa ‘Bagong Taon’ sa kasagsagan ng putukan.

Isinugod si Jeffrey sa East  Avenue Medical Center matapos siyang tamaan ng umano’y ligaw na bala at ngayon ay nagpapagaling na siya sa nasabing ospital.

Sa nakuha nating impormasyon sa ilang preso, isang lasing daw na jail guard ang may kasalanan matapos na magpaputok ito ng baril. Ang tanong ko lang  kay Warden Supt. Joseph Vela, totoo ba itong impormasyon ko?

Hindi ko rin alam kung totoo itong balita ko na sa tuwing may mga nangyayaring kaguluhan sa jail ay lagi raw wala itong si Supt. Vela. Hindi ko sinasabi na laging nagbubulakbol si Supt. Vela kaya hindi siya mahagilap sa kulungan sa tuwing may gulo.

Gaya na lamang sa pagkakasaksak kay Randy Bautista nitong bago mag- New Year. Alam kaya ni BJMP Director Rosendo Dial na palaging wala sa kulungan itong si Vela tulad nang may nangyaring riot ng mga preso noong isang taon sa nasasakupan niyang bilangguan?

Ang pinagtatakhan ko lang ay kung bakit tila parang bula o minadyik na biglang nawawala ang report o nababago ang mga pangyayari? Gaya na lamang itong kaso ng nabaril na si Abas. Alam ba ninyong stray bullet daw ang tumama kay Abas  na ang ibig sabihin ay umiwas ang bala sa makakapal na pader ng jail at sa mga rehas na bakal bago tumama ito sa hita ni Jeffrey!

Kamalas naman ng presong ito. Pero ang tanong ko, bakit tila mukhang napakalakas nitong si Vela at nakalusot  pa rin ang nangyaring insidente sa kulungan sa pagsisiyasat ng DILG?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply