Hospital arrest hindi ipipilit ng mga Abalos

WALANG plano ang mga abogado ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos na isulong  ang pagsasailalim sa kanya sa hospital arrest sa kabila ng hindi perpektong kondisyon ng kanyang kalusugan sa kanyang piitan sa Southern Police District (SPD).

Sa halip na isulong ang hospital arrest, nais ng kampo ni Abalos na igiit pa rin ang house arrest sa dating chairman lalo at hindi angkop sa kondisyon ng kanyang kalusugan ang inilaang detention facility sa SPD.

Ayon kay Atty. Brigido Dulay, matagal na nilang sinasabi na hindi “flight risk” o walang plano ang kanyang kliyente na umalis palabas ng bansa kaya igigiit nila sa hukuman na ipagkaloob ang kanilang kahilingan na isailalim na lamang sa house arrest.

Bukod dito, kusa aniyang nagtungo sa korte ang kanilang kliyente hindi pa man inilalabas ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jesus Mupas ng branch 112 ang arrest warrant na malinaw na walang planong takbuhan at handang harapin ng kanilang kliyente ang kaso.

Ngayon aniyang naglabas pa ng hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan kaugnay sa isa pang kasong katiwalian na isinampa sa kanilang kliyente, lalong walang dapat ipangamba si Mupas na lalabas pa ng bansa si Abalos kaya igigiit nila na mapasailalim siya sa house arrest.

Magugunita na pinatawan pa ng contempt of court ni Mupas sina Abalos at Dulay at pinagbabayad ng multang tig-P2,000 at pagkakakulong ng 10-araw matapos ibulgar sa korte ang sinasabing tangkang pangingikil ng nagpakilalang emisaryo ng hukom.

Nakatakda namang maghain ng apela sina Abalos at Dulay sa naturang kautusan, kasabay ng paggigiit na dinggin ang kanilang hirit na house arrest o pagkakaloob ng kaukulang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng kanilang kliyente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply