House panel bokya pa sa ebidensiya

BOKYA pa ang House prosecution panel sa ebidensiyang inilalahad sa impeachment court  upang patunayan ang kasong isinampa laban kay Chief Justice Renato Corona.

Dahil dito, sinabi ni Sen. Vicente Sotto III, tumatayong majority leader sa impeachment court, na lilinawin ngayon ang subjudice rule na reklamo ng depensa.

Ayon kay Sotto, ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at mga titulo ng lupa at condominium ng mag-asawang Corona, mga anak at manugang nito ay hindi pa tinatanggap na ebidensiya sa impeachment court kundi minarkahan pa lamang ito.

“Sa ngayon, hindi pa, huwag silang magkakamali na may ebidensiya na, wala pa. pati yung SALN na ‘yan, lahat ng iyan hindi pa for markings lang ‘yan,”paliwanag ng senador.

Aniya, ang mga iprinisintang dokumento sa impeachment court ay hindi maaaring ilantad ng sinumang panig sa publiko dahil sa ipinagbabawal ito alinsunod sa sub judice rule.

Sinabi pa ni Sotto na ang bagay na ito ang isa sa magiging agenda ng caucus ng mga senador ngayong alas-11:00 ng umaga, lalo pa’t nakatanggap sila ng complaint hinggil sa paglabag sa sub-judice rule ng ilang abogado.

“Tatalakayin namin yan sa caucus, kasama iyan sa ite-take up namin yang issue na ‘yan kasi may complaint tungkol diyan. Kanina natanggap ko yung report na may nag-file ng complaint dun para talakayin namin na nagba-violate sa sub-judice rule yung ilang legal counsels,” paglalahad ni Sotto sa isang programa sa DZMM.

Tiniyak ni Sotto na hihigpitan ni impeachment court presiding judge, Senate President Juan Ponce Enrile, ang patakaran sa sub judice lalo pa’t kailangang panindigan ng korte ang kanilang pagiging patas sa kasong ito.

“Medyo madugo ang caucus namin. I’m sure at kung saka-sakali mang uminit ang pag-uusap, iyan ang isa sa mainit na pag-uusapan tiyak. Eh mainit ang ulo ni Senate President sa ganyan,” babala ng senador. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply