Immigration inutil sa paghahanap sa puganteng Koreano

TIKOM ang bibig ng Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko kaugnay sa ginagawang operasyon upang matimbog ang puganteng Korean national na wanted sa kasong swindling sa kanilang bansa, ito ang lumabas sa magkakahiwalay na panayam sa mga opisyal ng kawanihan kahapon.

Ayon sa tagapagsalita ng kawanihan at hepe rin ng Intelligence Divison, hindi muna sila magbibigay ng impormasyon sa media upang hindi naman na makompromiso ang paghahanap kay Kim Tae Dong, ang Koreanong tumakas sa St. Luke’s hospital noog Disyembre 24, 2011.

“Recent developments ay hindi muna pwedeng ilabas so as not to compromise on-going operations,” pahayag pa ni Atorni Maria Antonette Bucasas-Mangrobang.

Sinabi pa ni Mangrobang na nagpulong na ang lima-katao komite na binuo ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr., upang silipin ang lahat ng anggulo at busisiin ang lahat ng impormasyon kaugnay sa pagpuga ng dayuhan sa kamay ng dalawang immigration jail guard.

Gayunpaman, walang ibinigay na impormasyon si Mangrovang kung saan at papaano magsisimula ang komite sa kanilang imbestigasyon.

Sa impormasyon nakalap, Enero 12 nagpulong ang komite upang simulan ang imbestigasyon kung sino-sino sa mga opisyal at empleyado ng kawanihan ang naging kasabwat ni Kim sa pagtakas.

Sinabi pa ng impormante na pinatawag at ipapatawag ng komite ang lahat ng opisyal at kawani na may kinalaman kay Kim, simula ng mahuli ito noong Hulyo 5, 2011 hanggang sa makatakas noong Bisperas ng Pasko.

Nakatakda ring muling magpulong ang komite ngayong linggo at sa susunod na linggo.

Gayunpaman, hindi naman binanggit ng impormante kung kasama sa ipinatawag at ipapatawag ang dating warden ng immigration detention center sa Bicutan, Taguig City at ang isang opisyal ng kawanihan na ‘pakuya-kuyakoy’ lamang sa kanyang tanggapan at isinangkalan ang dalawang guwardiya.

Kumpiyansa naman ang isang beteranong operatiba ng kawanihan na babagsak sa kanilang kamay si Kim dahil ‘round the clock’ ang kanilang paghahanap sa puganteng dayuhan.

Kinasuhan na sa Taguig City prosecutor’s office ng kasong ‘infidelity in the custody of prisoners’ sina Immigration jail guards Eduardo Dulay at Noel Acedillo. Si immigration jail warden Protacio Arcilla ang tumayong complainant para sa kawanihan.

Hawak na rin ng kawanihan ang isang kababayan ni Kim na sinasabing nagbayad ng P2.2 milyon sa St. Luke’s bilang kabayaran sa professional fee ng mga doktor at upa sa kuwarto.

Agosto 26, 2011 dinala sa nasabing ospital si Kim dahil sa sakit sa tiyan, hypertension at diabetes.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat o lucky nine sa Seoul, South Korea noong 2010.

Umabot sa kabuuang US$8M ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortgas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa operatiba ng kawanihan subalit mariin itong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply