Impeachment court nagbabala sa pagsasapubliko ng mga dokumento

BINALAAN ngayon ng Senate Impeachment Court ang magkabilang panig ukol sa pagsasapubliko ng mga dokumento na ipiniprisinta sa paglilitis at kahit na anong diskusyon na may kaugnayan sa merito ng kaso sa labas ng korte.

Ito ay nag-ugat matapos na tanungin ni Senator-Judge Joker Arroyo si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares kung ilalantad ba niya sa ibang tao ang kopya ng income tax return (ITR) ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona at alpha list na kanyang iprinisinta sa korte.

Ayon kay Henares, na kanyang isinumite ang mga ITR sa Senado bilang pagsunod sa subpoena.

Sinabi rin ni Henares, na tanging ang mga senator-judges, ang prosekusyon at ang depensa lamang ang may kopya ng mga naturang dokumento.

Sa puntong ito nagbabala si Arroyo at sinabing hindi pa maituturing na public document ang mga naiprisintang dokumento sa korte dahil hindi pa pormal na inihahain ang mga ito bilang mga ebidensya.

Naniniwala naman sina senator-judge Panfilo “Ping” Lacson at Teofisto “TG” Guingona III na hindi dapat isikreto ang mga dokumento dahil ang impeachment trial ay isang public trial.

Ngunit agad na nilinaw ni Presiding Officer Juan Ponce-Enrile, na magkaiba ang admission of documents at presentation of documents.

Ipinaliwanag ni Enrile, na dapat na malinawan ang publiko na hindi pa maituturing na ebidensya ang mga naiprisintang dokumento.

Sumagot naman si lead prosecutor Rep. Niel Tupas, Jr., at sinabing hindi nila isinasapubliko ang mga ebidensya simula noong paalalahanan sila ni Enrile.

Ganito rin ang pahayag ng depensa at inakusahan ang prosekusyon na lumabag sa secrecy rule.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply