Impeachment, krisis sa langis at demolisyon

AWAY at katakot-takot na krisis ang hinaharap ng mahal kong Pinas.

Ano-ano ang mga dapat na unahing bigyan ng konsentrasyon ng pamahalaan?

Kung tayo ang tatanungin, may pagkakaiba ang giyera ng mga opisyal ng pamahalaan sa

giyera ng mamamayan sa mga krisis na nagaganap sa kanilang  buhay.

Yang giyera sa pamahalaan ay mukhang agawan lang ng puwesto at kapangyarihan samantalang ang giyera ng mamamayan ay agawan ng buhay, kamatayan, gutom at kahirapan.

GIYERA PATANI SA IMPEACH

Umuusok na nang napakakapal ang giyera patani sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona.

Marami ang umeepal na ni minsan ay hindi natin naririnig ang boses ukol sa mga paghihirap ng mamamayan.

Gusto pa nilang ipakita na sila’y mga mandirigma para sa katarungan.

Pero sa totoo lang, ni hindi makita ang mga ito kahit man lang sa paglingap sa mga biktima ng kahirapan at gutom sa sarili nilang kapaligiran.

At lalong hindi nakikita ang mga ito sa mga nagaganap na delubyo at landslide.

Hindi nila maikonek ang salitang katarungan sa mga pangyayaring ito.

At tanging sa giyera ng mga malalaki sila maingay at nagpapakitang mga marurunong at mapagmahal sa bayan.

GIYERA SA SANDIGANBAYAN

Hindi lang sa Senado umuusok ang mga giyera patani ng mga sikat at bosing ng mahal kong Pinas.

Mayroon din sa Ombudsman at Sandiganbayan.

Sabagay, hindi masama na paghahabulin ang mga korap at mandarambong at abusado sa kapangyarihan.

Ngunit batay sa kasaysayan ng lahat ng mga kasong korapsyon at pandarambong, hindi nararamdaman ng mamamayan ang pagbabalik sa kanila ng mga nakaw na yaman.

Yun bang === pinababalik na nakaw na yaman.

Kung may nakararamdam man, mangilan-ilan lamang.

At sila-sila ring malalaki karaniwan ang nakikinabang.

Kahit magpustahan pa tayo, mga Bro.

Nasaan halimbawa ang mga pinaghahabol at napasauli ng Presidential Commission on Good Government na mga nakaw na yaman?

Nilalamon lang ng mga nasa PCGG at mga nag-iingat sa mga kayamanang yan.

Hindi natin namamalayan, marami pa ngang nakaw na yaman na ibinabalik sa mga magnanakaw nang hindi natin namamalayan.

Ito’y sa pamamagitan ng pagdismis ng mga hukuman sa mga kaso o basta pagbabalik sa mga magnanakaw ng mga nakaw na yaman sa mga kuwestiyonableng mga desisyon at dahilan.

KRISIS SA SUPLAY NG PETROLYO

KamakalaWA  ng gabi, mga Bro, pila-pila ang mga sasakyan sa mga gasolinahan para magpakarga ng petrolyo bago dumating ang hatinggabi.

Bakit?

Dahil sa sobrang laki ng oil price hike na ginustong ipatupad ng mga kompanya ng langis.

P1.50 sa bawat litro ng diesel at hanggang P1.75 naman ang para sa gasolina.

Pero alam ba ninyo ang mga naiwan sa pagbili ng maramihan?

Yung mga dyipni at magtatraysikel.

Yung mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga kuliglig, patubig at bangkang de motor.

Naiwan sa habulan sa pagpapagasolina ang mga ito dahil isang kahig, isang tuka lang ang kanilang kita.

Sa mga lalawigan na may patong na P4-P6 kada litro, sila ang hirap na hirap sa oil price hike na yan.

Milyones ang bilang ng mga ito na biktima ng oil price hike.

DIESEL, GAS NAUBOS

Akalain ba nating marami sa mga gasolinahan ang nagsabi sa mga motorista na naubusan na sila ng diesel at gasolina?

Ayon sa ating mga kaibigan na nakapagkarga ng diesel o gasolina sa mga istasyon ng petrolyo, mayroon naman palang suplay.

Yun ay matapos ang hatinggabi at nakapag-oil price hike na ang mga metro ng mga lintek na gasolinahan.

WALANG PAKI SA EVAT

Hindi natin maintindihan kung ano talaga ang nasa isip ng mga tarantado sa pamahalaan.

Kung tatanungin ninyo ang mamamayan, hindi nila problema ang suplay ng petrolyo.

Ang presyo na sobra nang mataas ang kanilang pangunahing problema.

At paulit-ulit nating sinasabi rito, may tongpats na expanded value added tax na P15 kada litro.

Kaya naman sobra nang pabigat sa lahat ang petrolyo.

Akalain ba nating hindi natataranta ang mga nasa pamahalaan dito at sa suplay sila natataranta na hindi pa naman problema.

Talaga bang manhid na ang pamahalaan sa mga usaping ito na nagpapahirap sa halos lahat ng mamamayan, lalo na ang mga mahihirap na bumubuo ng halos 80 porsiyento ng nasa 95 milyon nang Filipino?

MGA DEMOLISYON

Isa rin sa mga problema, mga Bro, ang mga katakot-takot na demolisyon sa mga mahihirap na lugar.

May mga may-ari raw sa lahat ng mga lugar kahit na ang pagkakaalam ng mga ito ay lupang gobyerno ang tinitirikan ng kanilang mga tahanan.

Ang gagaling ng mga nasa gobyerno na magmaniobra sa mga papeles ng mga lupain.

Lumalawak at tumitindi ang pagiging iskuwater na marami sa sarili nilang bayan.

ISANG TANONG

Alin sa mga problemang ito ang dapat na unahing bigyan ng lunas ng pamahalaan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply