Impeachment ni Corona: Now showing!

NOW showing na ang sabong na impeachment sa Senado.

Ang mga taong-pork barrel sa Kamara ang bida samantalang kontrabida ang iisang taga-Korte Suprema.

Yung mga senador ang nagiging Kristo.

Sila ang magpapasya kung sino sa mga bida at kontrabida ang mananalo sa huli.

Pupuwede ring maging tabla ang laban pero mahirap intindihin kung paano magkakaroon ng tabla.

Nagkabit ng kanya-kanyang tari ang magkakalaban.

May mga tari na puro talim lang ang dala-dala.

‘Yung iba, lumalabas na may sayanayd.

Parehas, Suki, na nakamamatay ang tari, may sayanayd man o wala.

Sa kanilang syapulan, siguro parehas silang masusugatan.

Sino nga ang tatakbo sa huli o basta na lang mangingisay?

Depende sa mga Kristo yan.

Dahil pupuwede nilang panalunin maging ang tatakbo o mangingisay na dapat sana ay talo.

Yan ang pagkakaiba ng Kristo sa sabungan at Kristo sa Senado.

He-he-he.

oOo

Ang pag-ingatan lang siguro sa impitsmen na yan ay kung may maniniwalang patupada lang yan na iligal.

Sa patupadang iligal, pupuwedeng makialam at maghari ang mga heneral hanggang sa mga praybeyt at PO1.

Maraming dahilan kung bakit magmumukhang iligal ang lahat.

Depende sa interes ng mga nagsusulong ng paniniwalang ito.

Pero maaari nilang sakyan ang anomang pagkakamali ng mga Kristo gaya ng pagpapanalo ng dapat na talunan o paghuhugas-kamay lang, Poncio Pilato istayl.

Siguro, basta maghanda na lang si Juan.

Kahit pa sa pagkakaroon ng curfew na paiiralin kahit sa araw ng mga may hawak na armalayt.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply