Impeachment waepek sa problema sa langis

MALAYO na malapit ang impitsmen ni CJ Renato Corona.

Nagkukumahog na ang mga huwes na senador at piskal na kongresman sa paghahanda para rito.

May nagte-training kung paano isisingit ang salitang “Your honor” sa mga senador sa balitaktakang ligal.

Sa parte naman ng mga kongresman, may mga sinusuyo na maging piskal mula sa mga hindi pumirma sa impitsmen.

Pero kahit na inaabangan na ng mga ito ang pagdinig, asahan na natin ang matagalang pagdinig sa kaso dahil diringgin ng mga huwes ang lahat ng mga kaso bago sila  maglabas ng desisyon.

Hindi Saddam Hussein istayl ang gagawin dito.

Sa kaso ni Saddam, matapos mapatunayang  siya ang utak sa masaker sa kanyang mga kalaban noon, bitay na ang sumunod dito.

Sa istayl ng Senado sa pagdinig, kailan kaya magbababa ng desisyon ang mga senador, huh?

oOo

Habang marami ang nag-aabang sa pagsisimula ng hiring sa impitsmen, itong mga kompanya ng langis naman ay biglang humirit ulit ng oil price hike.

Presyo ng gasolina at liquified petroleum gas ang pinataas nila.

Baka naman susunod dito ang disel.

Mga misis at taxi drayber ang matatamaan sa LPG price hike.

Mga traysikel drayber, taxi drayber, magkukuliglig sa lupa at dagat at maraming pang iba naman  ang  tatamaan  ng gasoline oil price hike.

Sa ibang salita, Suki, milyones na naman na lahi ni Juan ang pagpipigain ng mga kompanya ng langis para sila lalong yumaman at mananatili sa top ten na pinakamalalaking kompanya sa Pinas.

Paano ito, mahal na Boss sa Malakanyang?

Puwede ba, ang ganitong problema ang unahin ninyong asikasuhin at kasunod lamang yang impitsmen?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply