Ina ni Ramgen walang alam sa krimen – Janelle

MALAKI ang paniwala ng kampo ng dating aktres na si Janelle Manahan na walang kinalaman ang ina ng kanyang kasintahang si Ramgen Revilla sa pagpatay rito.

Sinabi ni Atty. Argee Guevarra, abogado ni Manahan, na may posibilidad na nasa Baguio nga si Genelyn Magsaysay nang mangyari ang pagpaslang kay Ramgen.

Wala ring kakayahan si Magsaysay na magplano ng krimen dahil mentally incapacitated umano ito.

Paliwanag ni Atty. Guevarra, batay sa ilang medical records, may schizophrenia si Magsaysay kaya hindi na nito maiisip na ipapatay ang anak.

Halata din aniya sa mga panayam ang pagiging incoherent ng mga pahayag ni Magsaysay.

Dahil dito, kumbinsido ang kampo ni Janelle na tanging ang tatlong kapatid ni Ramgen na sina Maria Ramona o “Mara,” Ramon Joseph o “RJ” at Maria Ragelyn Gail o “Gail” Bautista ang mga utak sa krimen.

Ayon kay Manahan, ang naipong galit kay Ramgen ang maaaring nagtulak sa magkakapatid na ipapatay ang kanilang panganay na kapatid.

Pinaliwanag din ni Manahan, ang pagiging bayolente ni Ramgen ang kadalasang sanhi ng pag-aaway sa pamilya.

Inamin din ni Manahan na isa siyang battered girlfriend ngunit pinili niya pa ring makisama kay Ramgen dahil umaasa siyang magbabago ito.

Gayunman, sinabi ni Manahan na hindi deserve ng kanyang kasintahan na mamatay sa ganoong paraan.

Ibinahagi naman ni Manahan na may kutob na siyang ipakakalat ng pamilya Bautista ang sex video nila ni Ramgen.

Sinabi rin ni Manahan na may iba pang sex video ang maaaring ilabas ng kampo ng mga Bautista na nasa laptop ni Ramgen.

Bagama’t nakakahiya, sinabi ni Manahan na hindi ito ang makapipigil sa kanya upang magsalita ng kanyang mga nalalaman sa krimen.

“Gusto nila kong pigilan sa pagsasalita ko, kilala naman nila ako na very sensitive, alam nila magagalit family ko, akala nila hindi na ako magsasalita pero my family was very supportive and even more supportive now,” sabi ni Manahan.

Humiling din si Manahan ng re-investigation sa kaso ni Ramgen. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply