Inosente, ignorante o kasapakat?

OKEY, inaalo tayo ng gobyerno sa pagsasabing may mga paraan na itong ginagawa upang maibsan ang hirap ng buhay na dulot ng sunod-sunod, madalas at walang puknat na pagtaas na halaga ng produktong petrolyo.

Sige, narinig na natin ang pabalat-bungang pangako ng administrasyong Aquino na pag-iibayuhin ang paggamit ng mga alternative fuel tulad ng biogas, electric trike at electrical jeepney at solar at geothermal energy.

Kesyo tutulungan daw tayo upang hindi tuluyang mamatay sa gutom.

Buti alam nilang taggutom talaga ang natural na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil nakaangkla rito ang presyo naman ng mga pangunahing bilihin.

Kaya’t hindi lang ang mga drayber at iba pang manggagawa ng transportasyon ang patuloy na lulubog ang kabuhayan kundi pati ang pamilya ng mga ito at iba pang sektor ng lipunan.

Ang banggit nga ni Rep. Emmi De Jesus ng Gabriela women’s partylist, mahigit 75 porsiyento ng kababaihan ang naghihirap dahil sa tinaguriang kaswapangan ng mga dambuhalang kompanya ng langis.

Ang ibig sabihin nito ay 75 porsiyento ng mga pamilya sa bansa sa lahat halos ng sektor ng lipunan ang mas miserable ang buhay at kabuhayan dahil sa pagdikta ng mga kompanya ng langis, partikular ang tinatawag na “Big 3” (Petron, Shell at Chevron).

Ang mas nakalulunos ay ang winika ni Energy Secretary Rene Almendras na wala raw magagawa ang pamahalaan upang pigilan ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang pandaigdigang merkado umano ang nagdidikta nito.

Hindi naniniwala ang gobyerno na nandaraya ang mga kompanyang nabanggit at matagal nang iniisahan ang mga Filipinong konsyumer.

Hanggang ngayon ay buong akala ng mga kinauukulan na ang “law of supply and demand” pa rin ang namamayani sa sektor.

Inosente? Ignorante? O kasapakat?

Ayaw pa kasing rebisahin ang Oil Deregulation Law upang maprotektahan ang mga konsyumer mula sa mapanirang-buhay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sige sila, baka isang araw ay magulat na lang sila sa pagsambulat ng galit ng sambayanan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply